SPCWD septage program: Legal pero kulang sa tiwala

0
329

Malinaw sa batas na obligasyon ng lahat ng Water District sa Pilipinas ang pagpapatupad ng septage management. Hindi kailangan ng ordinansa ng lungsod o munisipyo dahil ang kapangyarihan at tungkulin ay nakapaloob mismo sa national laws sa PD 198 (ang batas na lumikha sa Water Districts), RA 9275 o Clean Water Act, DOH sanitation rules, at regulasyon ng LWUA.

Ibig sabihin, sa papel, walang debate. Legal ang septage program. May mandato ang San Pablo City Water District na mangolekta, mag-operate, at maningil para sa wastewater at septage services. At may mabigat na parusa kapag hindi nila ito naipatupad.

Habang malinaw ang legalidad, isang mas mahalagang punto ang lumulutang sa usapan ng taumbayan. Kung legal nga ito, bakit maraming nagdududa at nagagalit? Dito pumapasok ang tunay na isyu. Hindi legalidad, kundi tiwala.

Bukod dito, ang serbisyo mismo ay maaaring tingnan ng ilan na hindi reliable. Kapag nakakaranas ang mga residente ng makupad na pagtugon, hindi regular na serbisyo, o problema sa kalidad ng tubig, mabilis na nawawala ang tiwala, kahit legal at maayos naman ang operasyon sa papel. Dagdag pa rito, may mga tanong ang publiko kung paano ginagamit ang nakokolektang pondo, mula sa billing hanggang sa pagpapagawa ng mga pasilidad, at kung may malinaw na accountability ang SPCWD. Ang kakulangan ng transparency sa mga ulat at pondo ay nagtatanim ng kawalan ng tiwala.

Isa pang dahilan ng galit ng publiko ay ang kalituhan sa pagitan ng SPCWD at mga pribadong water providers. Maraming reklamo ang nanggagaling sa mga lugar na hindi sakop ng SPCWD, ngunit hindi malinaw na nasasagot kung sino ang dapat sisihin sa bulok na serbisyo. Dahil dito, ang reputasyon ng SPCWD ay naaapektuhan kahit hindi sila ang tunay na responsable.

Higit pa rito, limitado rin ang pakikilahok ng komunidad sa mga desisyon ng Water District. Kapag nararamdaman ng mga residente na hindi sila kasali sa proseso at hindi nabibigyan ng pagkakataon na magbigay ng feedback, natural na nababawasan ang tiwala at lumalaki ang pangamba. Kasama rin ang epekto ng mga karanasan sa nakaraan, kung saan ang mga sinaunang pagkukulang sa serbisyo at hindi malinaw na singil ay nag-iwan ng pangmatagalang impresyon sa publiko.

Maraming water district sa bansa ang may pagkukulang sa komunikasyon, transparency, at pagpapaliwanag sa publiko. Kapag hindi detalyado ang pagpapaliwanag kung paano kinakalkula ang singil at mga penalty at kung saan napupunta ang pondo ay natural na magtanong ang taumbayan. Lalo silang napipikon kapag mas malakas pa ang ihi ng bata kaysa sa tulo ng tubig mula sa kanilang mga gripo.

Sa kabuuan, malinaw na kaya pumapalag ang maraming San Pableños sa septage program ng SPCWD ay hindi dahil sa kawalan ng legalidad kundi dahil sa kakulangan sa komunikasyon, transparency at pakikipag-ugnayan. Ang tiwala ng mamamayan ay hindi hinuhugot lamang sa batas. Tiwala ang tunay na sukatan kung gaano kaepektibo ang isang water district.

Sa madaling salita, kahit legal ang septage program, hindi sapat ang batas at mandato para masungkit ang tiwala ng mamamayan.

Ang kailangan ay malinaw na konsultasyon, tapat na accounting ng pondo, maayos na pagpapatupad ng programa, at bukas na pag-uusap sa mga tao. Bagama’t maganda naman ang kalidad ng tubig na inihahatid ng SPCWD, ang alin mang water district na hindi seryosong tinatrato ang transparency at public trust ay humihina dahil sa hindi pagkakaintindihan at pagdududa.

Oo, may mandato ang SPCWD. Oo, may legal na basihan ang singil. Pero ang tunay na pamantayan lalo na sa panahon ngayon ng sigalot ay kung paano nila ginagampanan ang mandato: may malasakit ba, may pananagutan ba, at may pagpapahalaga ba sa taong bayan?

Naipaunawa na ba sa mga tao kung saan gagastusin ang malilikom na kwarta sa dagdag singil para sa  Septage Program? Nakatitiyak na ba ang lahat na hindi maisasama ito sa mga travel expenses ng board sa iba’t ibang bansa?

Ang batas ay nagbibigay ng kapangyarihan pero ang tiwala ng mamamayan ang nagbibigay ng kredibilidad. At ito ang pinakamahalagang dapat makamit at ingatan na parang tanging yaman.

Authority without trust and understanding is a silent bell, ringing yet unheard, commanding yet powerless.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.