Isinusulong ng isang agricultural group ang pagtatatag ng isang espesyal na hukuman na tututok lamang sa mga kaso ng smuggling.
Ayon kay Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sa isang panayam ng CNN Philippines, naniniwala silang kailangang amyendahan ang mga batas upang payagan ang mga kasapi sa agricultural sector na maghain ng kaso laban sa mga pinaghihinalaang smuggler sa espesyal na hukuman.
“Sa aming palagay, mas epektibo kung may espesyal na hukuman na tututok sa mga kaso,” sabi ni So.
Noong Marso, inihain ni Senador Cynthia Villar ang Senate Bill 1963 na naglalayong magtatag ng espesyal na mga hukuman sa Metro Manila, Bulacan, Cebu, at Davao.
Hanggang sa kasalukuyan, ang panukalang ito ay nakabinbin pa rin sa komite.
Ayon kay So, karaniwang ang Bureau of Customs ang naghahain ng mga kaso laban sa mga smuggler.
Matapos ireport ng Department of Agriculture (DA) ang mga pinaghihinalaang smuggled na produkto, pumapasok naman ang Bureau of Customs upang imbestigahan at maghain ng reklamo laban sa mga sangkot.
Gayunpaman, karamihan sa mga reklamo ay hindi umuusad dahil sa kakulangan sa mga dokumento o walang Customs personnel na humahawak nito, kaya nauuwi na lamang sa pagkabasura ang mga kaso.
Mariin niyang sinabi na posible ang pagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng DA at Bureau of Customs.
Aniya, hindi dapat isama ang dalawang ahensiya sa Anti-Agricultural Smuggling Task Force ng Department of Justice (DOJ).
Nitong Martes, inanunsiyo ng DOJ na bubuo sila ng isang task force na tututok “sa pagprotekta sa buong sektor ng agrikultura, hindi lamang sa industriya ng sibuyas.”
Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kasalukuyang kalihim ng DA, na imbestigahan ang smuggling ng mga sibuyas at iba pang agrikultural na produkto.
Sinabi ng DOJ na kasama sa task force ang Office of the Prosecutor General at National Bureau of Investigation, kabilang ang isang espesyal na koponan ng mga prosecutor.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.