SRI na hanggang P20,000 para sa mga kawani ng gobyerno, inaprubahan ni PBBM

0
497

MAYNILA – Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng Service Recognition Incentive o SRI sa mga empleyado ng gobyerno para sa 2025 bilang pagkilala sa kanilang patuloy na pagsisikap, katapatan, at ambag sa pagtamo ng mga layunin ng pambansang kaunlaran at sa socio-economic agenda ng administrasyon.

Sa ilalim ng Administrative Order No. 40 na may petsang Disyembre 11, inaprubahan ng Pangulo ang isang beses na SRI na hanggang P20,000 para sa mga kawani ng executive branch, kabilang ang mga sibilyang empleyado ng mga ahensya ng national government, state universities and colleges (SUCs), at government-owned or -controlled corporations (GOCCs), maging regular, kontraktuwal, o casual ang kanilang posisyon.

Kasama rin sa benepisyo ang mga personnel ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Department of National Defense, pati ang mga uniformed personnel ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government. Kabilang din ang mga uniformed personnel ng Bureau of Corrections sa ilalim ng Department of Justice, Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation, at mga kawani ng National Mapping and Resource Information Authority sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.

Magsisimula ang pagpapalabas ng SRI sa lahat ng kwalipikadong kawani simula Disyembre 15. Ayon sa AO No. 40, kinikilala ng administrasyon ang kolektibo at napakahalagang kontribusyon ng mga empleyado sa pagtamo ng mga layunin, target, at deliverables ng Philippine Development Plan 2023–2028 at ng 8-Point Socioeconomic Agenda ng Pangulo.

Para sa mga ahensya ng national government, SUCs, at uniformed personnel, manggagaling ang pondo para sa SRI sa kanilang available na 2025 Personnel Services budget. Kung kulang ang pondo, maaaring gamitin ang Maintenance and Other Operating Expenses alinsunod sa patakaran sa badyet. Para sa GOCCs, kukunin ang SRI mula sa kanilang approved 2025 corporate operating budgets.

Ang mga empleyado ng Senado, Mababang Kapulungan, Hudikatura, Office of the Ombudsman, at iba pang constitutional offices na may fiscal autonomy ay maaari ring makatanggap ng SRI na hanggang P20,000 depende sa kanilang available na PS budget. Para sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang barangay, ang halaga at pagpapalabas ng SRI ay ibabatay sa kakayahang pinansyal at PS limits ng LGU. Ang mga empleyado ng Local Water Districts ay maaari ring makatanggap ng SRI na hanggang P20,000, na kukunin mula sa kanilang corporate operating budgets para sa 2025.

Kung kulang ang pondo ng isang ahensya, matatanggap pa rin ng mga kwalipikadong empleyado ang SRI ngunit sa mas mababa at pantay-pantay na halaga. Karapat-dapat makatanggap ang mga kawani na nasa regular, kontraktuwal, o casual na posisyon, nananatili sa serbisyo ng gobyerno hanggang Nobyembre 30, 2025, at nakaglipangkod nang hindi bababa sa apat na buwan. Ang mga nakapaglingkod nang mas mababa sa apat na buwan ay makatatanggap ng pro-rated SRI.

Hindi dapat makatanggap ang mga empleyado ng anumang karagdagang year-end benefit sa Fiscal Year 2025 bukod sa mga benepisyong pinahihintulutan sa ilalim ng Republic Act 6686, na inamyendahan ng RA 8441, upang maging karapat-dapat sa SRI.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo