MAYNILA. Umabot na sa 43 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa buong bansa mula noong Disyembre 22, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, Disyembre 25. Nadagdagan ito ng 18 bagong kaso na naitala noong mismong araw ng Pasko.
Bagama’t mataas ang kabuuang bilang, sinabi ng DOH na mas mababa ito kumpara sa parehong petsa noong nakaraang taon, kung saan umabot sa 28 ang naitalang kaso sa ganito ding panahon.
Batay sa ulat, karamihan sa mga biktima ay mga kabataan – 34 sa kanila ay nasa edad 19 pababa, habang siyam naman ay nasa edad 20 pataas. Sa 43 na nasugatan, 39 ay lalaki at apat lamang ang babae.
Ayon sa DOH, nasa 86% ng mga kaso ay sanhi ng paggamit ng mga ilegal na paputok. Minomonitor ang mga kaso mula sa 62 sentinel hospitals sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nauna nang nagbigay babala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko hinggil sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok tulad ng watusi, piccolo, at higit 20 iba pang uri.
Patuloy na nagpapaalala ang mga awtoridad sa lahat na iwasan ang paggamit ng paputok para masiguro ang kaligtasan ngayong Kapaskuhan at Bagong Taon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo