Sumuko ang suspek na kapatid ng pinatay na mag-inang balikbayan; inamin ang krimen

0
811

TAYABAS CITY, Quezon. Sumuko sa mga awtoridad ang kapatid na babae na isa sa mga persons of interest sa pagkamatay ng mag-ina makaraang matagpuan ang kanilang bangkay sa isang bakanteng lote nitong Biyernes sa lungsod na ito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pio Duran Police Station ang suspek na si Ligaya Oliva Pajulas, nakatatandang kapatid ng biktimang si Lorry Litada, 56, at tiyahin ng anak nitong si Mai Motegi, 26, isang Japanese.

Ayon kay Police Major Darwin Sevilla, hepe ng Pio Duran Police Station, nakipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang anak na lalaki ni Ligaya upang isuko ang kanyang ina.

Matatandaang nitong Huwebes, natagpuan ang bangkay ng mag-ina sa isang bakanteng lote ilang metro ang layo mula sa tahanan ni Ligaya sa Bella Vita Subdivision, Barangay Isabang, Tayabas.

Nabatid na nagbabakasyon lamang sa bansa ang mag-ina na sina Lorry, isang OFW sa Japan, at Mai, ang kanyang anak.

Sa pahayag ng mga kaanak, noong Pebrero 20, 2024, hindi na nila makontak ang mag-ina na may dalang P5 milyon na pambayad sa property na kanilang nabili.

Napag-alamang huling nakita ang mag-ina noong March 9, 2024 sa tahanan ng suspek na si Ligaya.

Sa pinakahuling ulat, inamin na ni Ligaya ang pagpatay sa mag-ina, habang hindi pa natutukoy ang tatlong iba pang suspek.

Sa ulat nitong Linggo, inihayag ng Tayabas police na nasa kanilang kustodiya ang kapatid ng biktimang si Lorry.

Ayon sa salaysay ng suspek sa mga pulis, pinaslang niya, kasama ang tatlo pang suspek, kabilang dito ang kanyang asawa, ang mga biktima sa pamamagitan ng pagbugbog at pagsaksak sa mga ito hanggang malagutan ng hininga.

Kasalukuyang nasa ospital ang babaeng suspek matapos magtangkang magpakamatay nang malaman na natagpuan na ang mga bangkay ng mga biktima.

Nauna dito, nagbuo ang Police Regional Office Calabarzon at ang ang Quezon Provincial Police Office ng Special Investigation Task Group (SITG) upang imbestigahan ang mga pangyayari kaugnay ng nadiskubreng mga bangkay sa nabanggit na subdivision.

Ang SITG “MOTEGI” ay nagpulong para sa unang case cpnference noong Marso 15, 2024.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.