SAN MATEO, Rizal. Natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo ang isang sundalo sa Timberland Avenue, Barangay Malanday, San Mateo, Rizal, noong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Corporal Christian Bataller Tapia, 30, miyembro ng Philippine Army at intel operative ng 80th Infantry Brigade (IB). Residente siya ng Saint Joseph Street, Sampaloc, Tanay, Rizal.
Ayon sa ulat ng San Mateo Municipal Police, bandang alas-10:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Tapia. Huli umano siyang nakitang buhay habang sakay ng kanyang kulay gray na Raider 150 motorcycle at pumapasok sa Base 2 gate ng Timberland Heights.
Maya-maya, narinig umano ng security guard na si Federico Silloga Jr., OIC ng Steelhawk Security Agency, ang isang putok ng baril. Nang puntahan niya ang lugar, natagpuan niya ang biktima na nakabulagta sa kalsada at may tama ng bala sa ulo. Agad niya itong inireport sa mga awtoridad.
Ayon sa paunang imbestigasyon, hinihinalang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang nasa likod ng pamamaslang. Ang insidente ay naganap kasabay ng ika-56 na anibersaryo ng CPP-NPA.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng mga suspek at matukoy ang tunay na motibo sa likod ng krimen.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.