LEGAZPI CITY, Albay. Isang sundalo mula sa South Korean Navy ang nagreklamo laban sa isang tricycle driver matapos silang magtalo sa mataas na singil sa pasahe sa Brgy. Bitano, lungsod na ito nitong Martes ng gabi. Ang insidente ay naganap habang ang Korean Navy officer ay nasa Pilipinas para sa “2024 Pacific Partnership” na humanitarian mission.
Ayon sa ulat, ang tricycle driver na kinilala lamang sa alyas na “Kayo,” isang residente ng Old Albay District, Legazpi City, ay agad na nahuli at ikinulong matapos suntukin sa mukha si alyas “Yong,” isang 21-taong-gulang na sundalo mula sa South Korean Navy. Si Yong ay nakabase sa Changwon-si, Gyeongsangnam-do, Republic of Korea, at kasapi ng Korean Navy na kasalukuyang nagsasagawa ng humanitarian mission kasama ang mga sundalo mula sa US Navy.
Nangyari ang insidente pagkatapos kumain si Yong at tatlong iba pang sundalo sa isang barbecue house sa Juan Estevez St., Old Albay District. Dakong alas-8:45 ng gabi, sumakay ang grupo sa isang orange na tricycle patungo sa isang mall, kung saan naghihintay ang kanilang sasakyan para bumalik sa barkong ROK-ll Chul Bong (LST-688) na nakadaong sa Tabaco City Port.
Pagdating sa destinasyon, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ni Yong at ng tricycle driver dahil sa hinihinging mataas na pasahe. Sa gitna ng pagtatalo, sinuntok ng tricycle driver ang Korean Navy officer sa mukha.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis, nahuli at ikinulong ang suspek dahil sa overcharging at pananakit sa dayuhang sundalo.
Ang Korean Navy officer na ito ay bahagi ng grupo ng mga US Navy na nakasakay sa higanteng naval ship na “Bismarck,” na nakadaong sa Legazpi City Port para sa dalawang linggong humanitarian mission na nagsimula noong Agosto 1.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.