Sunog sa PGH, mga pasyente, inilikas

0
241

ERMITA, Maynila. Sumiklab ang malaking sunog sa isang ward ng Philippine General Hospital (PGH) kahapon ng hapon, na nagresulta sa paglikas ng daang pasyente at kanilang mga bantay.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa main building ng gusali bandang 3:00 ng hapon at agad itong itinaas sa ikalawang alarma ng 3:11 ng hapon. Matapos ang maagap na pagresponde, naideklara naman itong “under control” ng 3:45 ng hapon.

Humigit kumulang na 13 fire trucks na rumesponde at nagtulungan upang maapula ang apoy.

Dahil sa insidente, kinailangang ilikas ang mga pasyente mula sa Wards 1, 2, 3, 4, at 5 ng PGH, kasama na rin ang mga nasa Cancer Institute. Walang naiulat na nasaktan o nasawi dahil sa sunog.

Inaasahang agad na pababalikin sa loob ng ospital ang mga inilikas na pasyente matapos ang clearing operation at matiyak na ligtas na ang gusali.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.

Samantala, sa pahayag ng Department of Health (DOH), sinabi nila na pansamantala munang aampunin ng iba’t ibang DOH hospitals ang mga pasyenteng inilikas. Inilipat ang mga ito sa mga parking area ng ospital habang naghihintay ng agarang tulong.

Kaugnay nito, binigyan din ng DOH ng direktiba ang mga ospital na tiyakin ang kanilang fire evacuation plans at magsagawa ng risk analysis sakaling magkaroon ng sunog sa kanilang mga pasilidad.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo