Super typhoon Goring, itinaas na sa Signal No. 3 ang mga apektadong lugar

0
146

Idineklara na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong Goring bilang isang Super Typhoon sa gitna ng patuloy na paglakas at pagbugsonito.

Natukoy na nasa layong 95 kilometro hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora si Goring at may lakas ng hangin na 185 kph at pagbugso na umaabot sa 230 kph.

Sa pag-aalala sa kaligtasan ng publiko, ipinag-utos ng PAGASA ang pag-angat ng tropical cyclone wind signal no. 3 sa silangang bahagi ng Isabela, kabilang ang Divilacan, Palanan, Dinapigue, Ilagan City, at San Mariano. Inaasahan na mararamdaman sa mga nabanggit na lugar ang lakas ng hangin na 89-117 kph sa loob ng 18 oras.

Nasa signal no. 2 naman ang silangang bahagi ng mainland Cagayan, hilaga at gitnang bahagi ng Isabela, pinakadulong hilagang bahagi ng Aurora, at silangang bahagi ng Quirino. Samantala, ang signal no. 1 ay ipinatutupad sa Batanes, natitirang bahagi ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands, natitirang bahagi ng Aurora, Quirino, Isabela, Apayao, Nueva Vizcaya, Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Abra, silangang bahagi ng Ilocos Norte, Polillo Islands, silangang bahagi ng Benguet, silangang bahagi ng Nueva Ecija, at Calaguas Islands.

Sa mga sumunod na araw, inaasahan ang patuloy na pag-ulan sa mga apektadong lugar. Sa ngayon, inaasahan ang 50-100 mm na ulan sa silangang bahagi ng Babuyan Islands at mainland Cagayan. Sa Martes, inaasahang umabot sa 100-200 mm ang ulan sa Batanes at silangang bahagi ng Babuyan Islands, habang 50-100 mm naman sa natitirang bahagi ng Babuyan Islands at hilagang bahagi ng mainland Cagayan.

Nagdulot rin ng epekto ang southwest monsoon o habagat na pinalakas ng Super Typhoon Goring sa kanlurang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon, at Central Visayas sa susunod na tatlong araw.

Samantala, dahil sa panganib na dala ng Super Typhoon Goring, inilagay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa red alert ang limang rehiyon sa Luzon, kabilang ang Cordilleras, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, at Mimaropa.

Sa huling ulat ng NDRRMC, aabot sa 1,968 indibidwal mula sa Ilocos Region at Cagayan Valley ang apektado ng bagyong Goring. 832 indibidwal o 213 pamilya ang nasa 24 evacuation centers, habang 265 indibidwal o 78 pamilya naman ang nasa labas ng mga evacuation centers

Tinatayang umaabot sa P40 milyon ang pinsalang dulot ni Goring sa imprastraktura sa Cagayan Valley, kung saan walong kalsada at dalawang tulay ang hindi na madaanan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo