Supplier ng ilegal na paputok, arestado sa ent­rapment operation

0
163

TANAUAN CITY. Nagsimula na ang mahigpit na pagtugis ng pulisya sa Calabarzon laban sa mga lumabag sa batas ukol sa paggawa at pagtinda ng ilegal na paputok sa panahon ng Kapaskuhan, at ang isa sa mga itinuturing na supplier ay naaresto sa isang entrapment operation sa Batangas.

Sa ulat, nakumpiska ng awtoridad ang halagang P1.5 milyon na iba’t ibang klase ng ilegal na paputok kay Darry Machia, kilala rin bilang “Daryl,” sa isang operasyon sa kanyang tirahan sa Tanauan City nitong Huwebes.

Naaresto si Machia, isang encoder, matapos makuha ng isang undercover agent ang iligal na paputok mula sa kanya sa isang buy-bust operation sa Barangay Ambulong noong Huwebes ng hapon, ayon kay Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Regional Intelligence Unit 4A.

“Ang operasyon ay nag-ugat sa isang impormasyon na ibinigay ng kanyang mga kapitbahay, na nag-uulat na si Darryl ay nagbebenta ng ilegal na paputok sa labas ng kanyang bahay nang walang kaukulang mga dokumento para sa operasyon at siya ay isang supplier umano ng mga paputok hindi lamang sa lalawigan ng Batangas kundi maging sa mga kalapit na lalawigan sa Calabarzon region,” ayon sa pahayag ni Cabatingan.

Bago ang operasyon, isinagawa umano ang isang linggong surveillance laban sa suspek, hanggang sa nakipagnegosasyon sa kanya ang isang civilian agent para sa test buy, dagdag ni Cabatingan.

Ang mga nakumpiskang paputok mula sa suspek, ayon sa mga elemento ng Regional Intelligence Unit-Calabarzon, ay galing sa Bulacan at ipinamahagi ng suspek sa iba’t ibang lalawigan, kabilang na ang Laguna at Cavite.

Ayon kay Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, direktor ng pulisya sa Calabarzon, isinampa ang mga kasong paglabag sa RA 7183 laban sa suspek, kilala bilang “An Act regulating the sale, manufacture, distribution, and use of illegal firecrackers and other pyrotechnic devices and hoarding of illegal firecrackers.”

Noong Oktubre, nagkasunog sa Purok 8, Sitio PNB, Brgy. Talisay, Lipa City, Batangas, na malubhang ikinasugat ng isang biktima matapos sumabog ang pulbos ng paputok na itinago sa loob ng isang kahon na diumano ay ginagamit sa paggawa ng firecrackers.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.