Suspek na nanungkit ng bag sa bintana, arestado

0
305

Sta. Cruz, Laguna. Arestado sa follow-up operation ng Lumban Municipal Police Station (MPS) ang isang kumalawit ng bag sa bintana ng isang bahay sa Brgy. Maracta, Lumban, Laguna.

Ang suspek na nakatakdang kasuhan ng theft ay kinilala ni Laguna Police Provincial Director PCOL Cecilio R. Ison na si Arjohn Lee Rabie y Ramiro, lalaki, 19 anyos na binata at residente ng Brgy. Primera Parang, Lumban, Laguna.

Ayon sa salaysay ni P/Capt. Joseph D Valle, Hepe ng Lumban MPS, nangyari ang panloloob sa bahay ng mag-asawang Teodoro Vilar, isang retired engineer at Agnes Vilar kamakalawa bandang 1:47 ng madaling araw.

Batay sa mga footage na nakuha sa closed-circuit television (CCTV), umakyat ang suspek sa sementadong bakod at pumasok sa loob ng compound, binuksan ang sliding window ng kwarto at gamit ang bamboo stick ay sinungkit ang bag na naglalaman ng humigit kumulang na tatlumpung libong piso.

Matapos makilala ang suspek, agad na nagsagawa ng follow-up operations ang mga tauhan ng LUmban MPS na nagresulta sa pagkakadakip kay Ramiro.

Nabawi sa kanya ang dalawampung libo sa tatlumpung libong pisong ninakaw.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Lumban MPS ang suspek habang isinasampa ang mga kaukulang kaso laban sa kanya..

“Sasampahan ng kasong theft ang suspek sa Provincial Prosecutor’s Office sa Sta. Cruz, Laguna. Bagama’t kami po sa kapulisan ay laging handa na rumesponde ng agaran ay pinapayuhan ko po ang ating mga kababayan na maging maingat upang maiwasang maging biktima ng krimen,” ayon kay Ison.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.