Suspek na NPA at isang hired killer na sangkot sa serye ng mga pagpatay, arestado sa Cavite

0
610

Calamba City, Laguna. Arestado sa Cavite ang isang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) na tinaguriang rank 1 sa listahan ng Most Wanted Person (MWP) sa Laguna at isang hit man na sangkot sa serye ng mga pagpatay.

Sina Julito Dacles Jr. 42, alyas Ka Julito, isang hinihinalang New People Army na nakabase sa Eastern Samar at Victor Untalan, 36, alyas Vic, isang hinihinalang miyembro ng gun-for-hire syndicate na rank 8 sa listahan ng MWP na numero 8, ay hinuli ng mga pinagsanib na operatiba mula sa Regional Mobile Force Battalion at Regional Intelligence Unit 4A sa kanilang hideout sa Torres Compound, Barangay Santol, Tanza, at sa Barangay San Roque, Naic, pawang sa Cavite, ayon kay Executive Master Sergeant Paguito Chan Jr. ng RMFB4A.

Kabilang si Dacles sa mga rebeldeng komunista na pumatay sa dating rebel returnee ng NPA na si alyas Pabling Jabulin sa isang inuman sa Barangay Himay, San Jorge, Eastern Samar noong Abril 5, 2002.

Sinabi ni Chang na si Dacles ay nakalista bilang rank number 1 Provincial Most Wanted Person ng Cavite at Samar province.

Inaresto si Dacles sa bisa ng warrant of arrest para sa krimen ng pagpatay na inisyu ni Judge Rosario Bandal, Presiding Judge, Regional Trial Court, Branch 41, 8th Judicial Region, Gandara, Samar dated Feb. 22, 2005 ng walang inirekomendang piyansa.

Ang pangalawa sa most wanted, si Untalan ay positibong kinilala na siyang pumatay sa Pangasinan parole officer ng Rosales na kinilalang si Mary Alcalde Romua, 44, habang ito ay naglalakad pauwi matapos bumaba ng bus sa Barangay Sumabnit, Binalonan, Pangasinan noong 2015.

Si Untalan ay sangkot din sa pagpatay sa halal na barangay kagawad na si Jimmy De Luna, 51, habang siya ay nasa kanyang bahay sa Barangay Binalay, Malasiqui, Pangasinan, noong Mayo 2018.

Sinabi ni Chan na armado ang mga operatiba ng dalawang arrest warrant of murder at homicide na inisyu ng korte ng Malasiqui at Urdaneta, pawang sa Pangasinan nang arestuhin nila si Untalan sa Cavite.

Kasalukuyang parehong nasa kustodiya ng Cavite police ang mga suspek at walang rekomendasyon sa piyansa.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.