CAVITE CITY. Naaresto na ng Trece Martires City Police ang isang mister na suspek sa brutal na pagpatay sa isang babae na isinilid sa ice cooler sa Cavite. Sa isinagawang follow-up operation kahapon, nahuli ang suspek sa kanyang pinagtataguan sa Pasay City.
Wala pang 24 oras matapos matagpuan ang bangkay ng biktimang si Mari Joy Singayan, 26-anyos, residente ng Golden Horizon Villas, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City, ay agad na nahuli ang suspek na si alyas “Wilson”.
Ayon sa pulisya, nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek upang singilin ito ng pagkakautang na P50,000. Sa kanilang pagtatalo, sinakal ng suspek ang biktima gamit ang lubid at isinilid ang bangkay nito sa isang malaking ice cooler bago tumakas.
Ayon sa mga salaysay ng misis ng suspek, bandang 4:45 ng hapon nang tumawag ang kanyang mister at inamin ang krimen. Sinabi rin ng suspek kung saan niya inilagay ang bangkay ni Singayan. Agad na nag-report ang misis sa kanilang barangay na siya namang tumawag sa pulisya. Narekober ang katawan ng biktima sa loob ng ice cooler.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye ng krimen.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.