Suspek sa pagpatay sa broadcaster sa Mindoro, natukoy na

0
228

Natukoy na ng mga imbestigador ang person of interest sa pagpaslang sa isang radio broadcaster sa Oriental Mindoro.

Noong Miyerkules, Mayo 31, pinatay si Cresenciano Bunduquin, 50, ng mga armadong lalaki na sakay sa motorsiklo sa Calapan City.

Isang suspek ang namatay matapos itong mabangga ng sasakyan na minamaneho ng anak ni Bunduquin habang tumatakas ang mga salarin. Nakatakas naman ang isa pang suspek.

“Batay sa aming mga nakalap na ebidensya, mayroon tayong positive na person of interest na naitala. Mamaya, kukunin namin ang pahayag ng dalawang saksi,” ayon kay Col. Samuel Delorino, hepe ng Oriental Mindoro Provincial Police.

“Kung mapapatunayan ng person of interest na siya nga ang salarin, maipapahayag natin na malapit ng malutas ang kaso at mai-file natin ito sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ni Delorino sa panayam ng TeleRadyo.

Si Bunduquin ay may programa sa 101.7 DWXR, ayon kay Jester Joaquin, ang station manager, na sinasabing ang target ng itinumbang mamamahayag ay mga malalaking isyu sa probinsya. Kabilang sa mga isyung kamakailan na tinalakay ng mamamahayag sa kanyang programa ay ang oil spill sa probinsya, ilegal na sugal, at pulitika.

Kaugnay nito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kahapon na aatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpatay sa radio broadcaster sa Calapan, Oriental Mindoro.

“We’re asking the NBI to look into it… because we want to know the motives, the motivationsWe will try to get to the bottom of this. Marami na kaming mga leads kung ano ano ang mga motivations na pwedeng nangyari,” ayo kay Remulla sa isang panayam. 

Nauna dito, ipinalabas ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) noong Miyerkules na may naghihintay na PHP50,000 reward sa sinumang makapagbigay ng impormasyon na maaaring humantong sa pag-aresto ng suspek sa pagpatay kay Bundoquin.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.