Suspek sa pagpatay sa dalagita sa Biñan City, arestado sa hot pursuit ops

0
338

Biñan City, Laguna. Arestado sa hot pursuit operation ang suspek sa pananaksak at pagpatay sa isang kinse anyos na dalagita sa lungsod na ito.

Kinilala ni Police Colonel Randy Glenn G. Silvio, Officer-in-Charge ng Laguna Police Provincial Office ang suspek na si Jayson Abejuela, na naninirahan sa Brgy. Loma, Biñan City, Laguna.

Naaresto ang suspek sa hot pursuit operation na ikinasa ng Biñan City Police Station (CPS) noong Agosto 28 ng gabi sa Brgy. Casimiro, Las Piñas City.

Ayon sa imbestigasyon ng Biñan CPS, sa ganap ng 3:00 ng hapon noong Agosto 28 ay nakita ng isang witness ang suspek na nagpumilit pumasok sa apartment ng biktima sa Purok 1 Brgy. Timbao, Biñan City, Laguna at narinig niya ang dalagitang biktima na sumisigaw at humihingi ng tulong. Kalaunan ay tumigil sa pagsigaw ng biktima at nakitang lumabas ang suspek sa bahay. Pagpasok ng witness sa bahay ay tumambad ang katawan ng biktima na puno ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Isinugod ng barangay officials ng Brgy. Timbao ang biktima sa ospital ngunit idineklara itong dead-on-arrival ng attending physician.

Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation at hot pursuit operation ang Binan CPS sa pamumuno ni Pol. Lt. Col. Virgilio M Jopia, hepe ng Biñan City Police Station (CPS), sa Brgy. Casimiro, Las Piñas City na nagresulta sa pagka aresto sa suspek noong gabi ding iyon.

“Hindi natin hinayaan na makaalpas pa ang suspek sa krimen na ito, nakaalis man siya sa probinsya ay hindi niya matatakasan ang batas,” ayon kay Silvio.

Sinabi naman ni PRO-CALABARZON PBGen Jose Melencio C. Nartatez Jr, na hindi hahayaan ng kapulisan na ang CALABARZON ay maging pugad ng mga kriminal. “Inatasan ko na ang lahat ng kapulisan sa buong rehiyon na mas palakasin ang kampanya at laban sa droga at kriminalidad,” ayon sa kanya.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.