Suspek sa pagpatay sa ina at dalawang anak sa Cainta, nahuli na

0
754

 Calamba City, Laguna. Arestado na ang suspek sa pagpatay sa isang ina at dalawa nitong anak sa isang apartment sa San Francisco, Brgy. San Juan, Cainta, Rizal noong Abril 6, 2022. 

Inihayag ni PBGen Antonio C. Yarra,  Police Regional Office 4A Regional Director, ang pagkakadakip sa suspek na si Vergel Navalta y Cajulao alyas ‘Mark de Guzman’ sa isang press briefing kahapon.

Ang mga biktima na kinilalang sina Angelica Manaloto y Antonio, 24 anyos, Renz Orly Trinidad y Manaloto, 7 anyos at Nicagel Mangi y Manaloto, 4 anyos ay natagpuang patay at naliligo sa sariling dugo sanhi ng maraming saksak sa leeg. Ninakawan sila ng mga gadget tulad ng Vivo phone at Huawei tablet at hindi matukoy na halaga ng pera ng nadakip na suspek sa loob ng kanilang inuupahang apartment.

Si Navalta ay positibong kinilala ng mga kapitbahay ng biktima at ang mga nakalap na pahayag ay sinuportahan ng CCTV footages na inipon ng mga imbestigador. Pamilyar kay Navalta ang mga kapitbahay ng biktima dahil dati itong nakatira sa apartment building na inuupahan ng kanyang pinsan.

Sa isinagawang follow up at hot pursuit operation sa kilalang address ng suspek, narekober ng pulisya ang suot na damit ng suspek at ang 10 pulgadang kutsilyo na may mantsa ng dugo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Nahuli ang suspek sa ilalim ng operasyon ng pinagsanib na elemento ng Cainta Municipal Police Station, Intel at DET ng Rizal PPO at Provincial Intelligence Team Tarlac sa Brgy. Camposanto 1 Sur, Moncado, Tarlac City sa bisa ng standing warrant of arrest para sa krimeng Simple Theft. Nasangkot din siya sa iba pang krimen tulad ng Murder at rape kaugnay ng RA 7610 noong Pebrero 2022 at noong Pebrero 6, 2015, ayon sa pagkakasunod, pawang sa Bacoor, Cavite.

Ang kasong kriminal para sa Robbery with Multiple Homicide ay inihahanda na ngayon ng Cainta Police Station at nakatakdang isampa laban kay Vergel Navalta. Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng nabanggit na police unit.

Kaugnay nito, inutusan ni RD Yarra si Cainta Chief of Police, PLTCOL Orlando Carag na maghanda ng airtight case laban sa suspek.

‘Let us leave no stone unturned in this case. The victims were killed helplessly, let justice be served!’, ayon sa utos ni Yarra.

Samantala, pinapurihan ni Chief PN Gen Dionardo P. Carlos ang pagsisikap ng Cainta Municipal Police Station para sa mabilis na solusyon ng kaso.

 ‘You have done great in this case. The soul of the departed may now rest in peace,” ayon kay Carlos.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.