Suspek sa pagpatay sa mag-asawang Australian at kamag-anak sa Tagaytay, sumuko

0
158

TAGAYTAY CITY. Sumuko na ang isang suspek sa pagpatay mag-asawang Australian at kanilang kamag-anak sa isang hotel sa Tagaytay noong Hulyo 10, ayon sa pulisya noong Miyerkules.

Ang 33-taong gulang na lalaki ay dinala sa pulisya noong Miyerkules matapos niyang sumuko sa mga lokal na opisyal noong Martes ng gabi. Ang suspek ay inaakusahan ng pagpatay kay David Fisk, 57, at kanyang asawang si Lucita Cortez, 55, na ipinanganak sa Pilipinas ngunit naging Australian citizen, at ang kanilang kamag-anak na si Mary Jane Cortez, 30, ayon sa pahayag ng pulisya ng Tagaytay City.

Natagpuan ang bangkay ng tatlo sa Lake Hotel sa Tagaytay, isang tanyag na destinasyon ng mga turista malapit sa Maynila. Nakahiga sila nang paharap na nakatali ang mga kamay at paa at may takip na packaging tape ang kanilang mga mukha, ayon sa pulisya.

Hindi ibinunyag ng pulisya ang pagkakakilanlan sa suspek ngunit sinabi nila na ito ay dating empleyado ng The Lake Hotel kung saan siya nagtrabaho bilang pool attendant bago siya natanggal noong Marso dahil sa pagnanakaw ng mga gamit sa isang hotel room. Siya ay naaresto na rin dati dahil sa illegal possession of firearms at kilalang sugarol, ayon sa pulisya.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Charles Daven Capagcuan, hepe ng Tagaytay PNP, “Bago pa man ito sumuko, natunton na ng pulisya ang kinaroroonan ng suspek at tukoy na ang kanyang pagkakakilanlan.”

“Sa pamamagitan na rin ng pagpapakita ng mga CCTV footages na nakuha namin lalo na sa daanan, lalo doon sa bahagi kung saan bahagyang nakita ang kanyang mukha ‘yung kanyang facemask bumaba, doon na nagkaroon na may kumumpirma sa amin na ang nasabing tao ito ay yung dati nilang kasamahan,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Capagcuan.

Inamin umano ng suspek ang krimen sa pamamagitan ng extra judicial confession. Ikinumpisal niyang pagnanakaw at paghihiganti sa hotel ang kanyang motibo sa krimen.

Dagdag ng PNP, hindi na nabawi sa suspek ang ilang ninakaw na relo, sapatos, gold ring, at mga damit na pagmamay-ari ng Australian.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.