LUCENA CITY, Quezon. Natagpuan na patay sa loob ng kulungan ang pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang walong taong gulang na batang babae sa Lucena City, Quezon.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Lucena City Police Station, natagpuan ang bangkay ni Julius Rodas, 19 anyos, bandang 12:45 a.m. nitong Linggo sa loob ng piitan na may tali sa leeg.
Sinubukan pang iligtas ang buhay ni Rodas ng mga rescuer mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lucena City, subalit idineklara na itong dead on arrival sa ospital.
Naaresto si Rodas ilang oras matapos matagpuan ang bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa Gulang-Gulang, Lucena City, noong Miyerkules ng umaga.
Ang biktima ay natagpuang walang saplot, may busal sa bibig, at nakagapos.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang mga detalye at motibo sa likod ng krimen na ito. Inaasahang magsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang pulisya upang mapanagot ang mga sangkot sa naganap na insidente.
Nauna dito ay nawagan rin ang lokal na pamahalaan at mga kinauukulan na tiyakin ang patas at mabilis na hustisya para sa biktima at kanyang pamilya.
Ang naganap na trahedya sa walong taong batang babae ay nagdulot ng malalim na kalungkutan at galit sa komunidad ng Lucena City, at nananawagan ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang mga karumal-dumal na krimen.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.