Suspendido ang klase sa 11 barangay sa Quezon

0
346

San Francisco, Quezon. Suspendido ang klase sa elementarya at high school sa 11 barangay sa bayang ito hanggang ngayong araw, Pebrero 3, dahil sa isinagawang military pursuit operation laban sa mga rebeldeng New People’s Army.

Naglabas ng utos si Mayor Romulo Edano na kanselahin ang mga klase sa Brgy.Butanguiad, Casay, Don Juan Vercelos, Huyon-uyon, Inabuan, Mabunga, Nasalaan, Pagsangahan, Pugon, Silongin, at Santo Niño simula Lunes, Enero 30, upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at mga residente.

“Ito ang aming napagdesisyunan na gawin upang mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante at mga mamamayan ng mga barangay batay sa ulat at rekomendasyon na ibinigay sa amin ng Philippine Army hinggil sa nagaganap na engkwentro sa pagitan ng militar at ng mga rebelde,” ayon kay Edaño.

Idinagdag ni Edaño na ang mga desisyon at aksyon na may kaugnayan sa sitwasyon ng panloob na seguridad ay gagawin sa susunod na linggo depende sa ulat ng sitwasyon na ibinigay ng seguridad ng gobyerno at mga pwersang pangkaligtasan ng publiko.

Nakasagupa ng militar ang mga komunistang gerilya noong Biyernes, Enero 27, sa katabing bayan ng San Andres, Quezon. Tatlong rebeldeng NPA ang napatay at isang sundalo ang nasugatan sa bakbakan.

Tumakas ang mga rebelde sa iba’t ibang direksyon, kabilang ang 11 barangay kung saan sinuspinde ang klase.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.