Susuriin ng mga senador ang ₱10-B budget cut sa pondo ng DOH para sa 2024

0
303

Nagpahayag ng pangamba ang ilang Senador noong Lunes hinggil sa malaking pagbawas sa badyet sa proposed 2024 budget ng Department of Health (DOH).

Ayon kay House Deputy Speaker Ralph Recto noong Linggo, aabot sa ₱10 bilyon ang bawas sa itinakdang “agency proper” na badyet ng DOH para sa taong 2024.

Sinabi ng kongresistang mula sa Batangas, ang inihahandang badyet para sa Prevention and Control of Noncommunicable Diseases ng DOH ay tinakda sa ₱1.7 bilyon, nabawasan ng ₱1.2 bilyon mula sa ₱2.9 bilyong alokasyon ngayong taon, at mas mababa pa sa orihinal na hiling ng Palasyo na ₱2 bilyon para sa taong 2023.

Ayon sa mambabatas, kinakailangan pa rin ng DOH ang pondo sa gitna ng patuloy na epekto ng pandemyang COVID-19 kahit itinaas na ang state of public health emergency. Nilinaw niya na ang pangangailangan na ito ay nasa ilalim ng iniuulat na ₱20 bilyong alokasyon para sa mga benepisyo ng mga health workers.

Si Recto ay nagpahayag na “the big payroll and overhead in maintaining a large bureaucracy, plus rising debt service” ang nagiging hadlang sa mga serbisyong panlipunan.

Ipinahayag ng ilang senador ang kanilang kumpiyansa sa publiko na sila ay tatalima sa pagsusuri sa inihahandang badyet para sa DOH, at iginiit na dapat itong maging isa sa mga prayoridad sa pagbuo ng pambansang badyet.

Sa simula pa lamang, ipinahayag ni Senador Bong Revilla na tila kulang ang halaga nito kumpara sa badyet ng taong 2023. “Sa kasalukuyan nga ay parang kulang na kulang na ang ating pondong inilalaan para sa ating mga ospital kaya dapat sikapin na mas matugunan ang mga pangangailangan ng sektor,” ang sabi niya sa mga reporter.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi tatanggapin ang anumang pagsasayang ng alokasyon sa harap ng inirerekomendang budget cut. 

“There should be no wastage and leakages when it comes to the purchase of vaccines, medicines, vitamins, and other supplies. We should not cut the budget for the basic services. But in calculating the amounts needed for the basic services, we should also not allow the bloating of these amounts,” ayon sa kanya.

Tiniyak ni Recto ang publiko na magtutulungan ang Kongreso at ang executive branch na humanap ng paraan upang mapataas ang budget.

“Just like in the past, Congress and the executive, in the spirit of cooperation, will find ways on how to increase the health budget. In the spirit of cooperation, we will find ways on how to increase the health budget,” pahayag niya.

Binigyang diin din niya na matapos mabayaran ang mga benepisyo at allowances ng mga medical frontliner ngayong taon, magkakaroon ang DOH ng “malaking budget space” para sa taong 2025.

Binati rin niya ang administrasyong Marcos sa pagtutok na makakuha ng ₱2.02 bilyon para sa cancer control at cancer patient assistance para sa taong 2024, na halos kalahating bilyong piso ang dagdag kumpara sa alokasyon para sa taong 2023. Pinuri ni Recto ito bilang “magandang balita.”

Samantala, sinabi ni Senador Sonny Angara na ang Senate finance panel ay naghahangad na maglabas ng isang committee report ukol sa programa ng pambansang gastusin sa unang bahagi ng Nobyembre.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.