SUV driver sa NAIA crash, sasailalim sa drug test — DOTr

0
249

MAYNILA. Sasailalim sa drug test ang drayber ng SUV na sumalpok at nang-araro ng mga tao sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang indibidwal, kabilang ang isang batang edad lima, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon sa DOTr, bahagi ito ng full and impartial investigation na kasalukuyang isinasagawa katuwang ang Manila International Airport Authority (MIAA) at mga kinauukulang law enforcement agencies. Kasama rin sa imbestigasyon ang masusing pagsusuri sa lahat ng kuha ng CCTV sa lugar ng insidente.

“Base sa inisyal na pagsusuri ng CCTV footage, makikitang ang driver ng SUV ay nagbaba lamang ng pasahero. Wala itong indikasyon ng premeditated intent na manakit ng mga tao sa airport,” saad ng DOTr sa opisyal nitong pahayag.

Gayunman, nilinaw ng ahensya na nagpapatuloy pa rin ang mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye at pananagutan sa insidente.

Dalawa ang nasawi sa aksidente, isang limang taong gulang na bata at isang 29-anyos na lalaki, habang apat na iba pa ang nagtamo ng sugat at agad na isinugod sa mga pagamutan.

Sa kabila ng trahedya, umapela ang DOTr sa publiko na igalang ang pribadong pagdadalamhati ng pamilya ng mga biktima at huwag nang magbahagi ng mga larawan o video ng insidente sa social media.

Samantala, agad na sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensiya ng drayber ng SUV. Naglabas din ang LTO ng show cause order para sa rehistradong may-ari ng sasakyan at sa mismong drayber upang pagpaliwanagin ukol sa insidente.

Sa ulat ng pulisya, sinabi ng drayber na: “Aalis na sana ako matapos kong ibaba ang pasahero nang biglang may dumaan sa harap ng sasakyan ko.” Ang hindi inaasahang pangyayaring ito umano ang naging dahilan ng pag-arangkada at pagkabangga sa mga taong nasa labas ng paliparan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lahat ng salik na naging sanhi ng malagim na insidente.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.