BATANGAS CITY. Narekober ang isa sa mga sasakyang konektado sa nawawalang beauty queen finalist at guro na si Catherine Camilon sa isang bakanteng lote sa Barangay Dumuclay, Batangas, nitong Huwebes ng gabi.
Ang pulang sports utility vehicle na Honda CRV ay iniwan ng hindi kilalang tao sa Sitio Ilaya, dakong alas-6:25 ng gabi, ayon sa ulat ng pulisya mula sa Camp Vicente Lim sa Laguna.
Nakatanggap ang Criminal Investigation and Detection Group-provincial field unit-Batangas ng tawag sa telepono na nag-ulat na may nakitang sasakyan sa bakanteng lote. Agad na pinuntahan ito ng joint team ng CIDG4 at Highway Patrol Group (HPG-4A) at natagpuan ang sasakyang walang plaka at walang conduction sticker.
Sa isinagawang search, natuklasan ng Explosive Ordinance Division team na may mga marka ng tampering sa makina at chassis numbers ng sasakyan gamit ang grinding machine.
Ang nasabing sasakyan ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Batangas Provincial Forensic Unit sa Batangas Provincial Police Office para sa masusing forensic examination bago ito ipasa sa HPG4A sa Batangas.
Sa pahayag ng dalawang testigo, nakita nila si Camilon na duguan ang ulo habang inililipat ng tatlong lalaki at isinasakay sa pulang Honda CRV. Ayon pa sa kanilang salaysay, sila ay tinutukan ng baril at pinag-utos na umalis noong makita sila ng mga suspek.
Nakita rin daw ng mga testigo ang Nissan Juke n na gamit ni Camilon noong siya ay mawala, sa parehong araw na nakita nila ang pulang SUV.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.