SUV nahulog sa bangin sa Benguet, 3 magkapamilya patay

0
263

TUBA, Benguet. Tatlong miyembro ng pamilya mula sa Candelaria, Quezon, ang namatay matapos mahulog ang kanilang Sports Utility Vehicle (SUV) sa bangin sa Marcos Highway sa Sitio Begis, Taloy Sur, dito, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Jonathan Marcuap, na nagtamo ng maraming sugat at pinsala sa mukha; Jaspher Marcuap, na nagmamaneho ng SUV; at si Rodolfo Marcuap, ang ama ng pamilya.

Nakaligtas naman ang ina ng pamilya na si Kristel, 38, na nagkaroon lamang ng sugat sa kanang binti, at ang kanyang mga anak na sina Ian, 10 anyos, at Kieffer, 5 anyos, na nasugatan sa mga tuhod at likod.

Batay sa ulat ng Tuba Police, nangyari ang aksidente bandang alas-4:30 ng madaling-araw ngunit naiulat lamang ito sa kanilang himpilan pagkatapos ng isa’t kalahating oras.

Ayon sa imbestigasyon, tumama ang Mitsubishi Montero SUV ng pamilya Marcuap sa isang road signage habang dumadaan sa isang kurbada kaya lumabas ito sa kabilang lane ng highway at bumulusok sa may 100 metro na bangin.

Mabilis na rumesponde ang mga awtoridad at mga residente sa lugar upang iligtas ang mga biktima, ngunit tatlo sa kanila ang hindi na nabuhay habang nilalapatan ng lunas ang mag-iinang sugatan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.