Taal nagpapakita ng pagtaas ng degassing activity, ayon sa Phivolcs

0
251

TALISAY, Batangas. Sinubaybayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagtaas ng degassing activity ng bulkang Taal simula kahapon, Sabado ng gabi, sa pamamagitan ng nakikitang pagbuga ng volcanic fluids.

Sa isang abiso kahapon, sinabi ng Phivolcs na “ang mga fluids sa pangunahing lawa ng bulkan ay nagresulta sa malalaking pagsabog ng steam na umaabot sa 3,000 metro pataas mula sa Taal Volcano Island (TVI).

Bilang resulta nito, nakita ang volcanic smog o “vog” sa ibabaw ng caldera ng Taal, na iniulat ng mga residente ng mga bayan na nakapaligid sa lawa, kabilang ang Balete, Laurel, at Agoncillo. Inaasahang magkaroon din ng acid rain sa mga lugar kung saan makapal ang usok, na maaaring makasira sa mga pananim at makaapekto sa mga metal na bubong ng mga bahay at gusali. 

Ayon sa Phivolcs, mayroon ding paglakas ng paglabas ng volcanic sulfur dioxide gas mula sa pangunahing lawa ng bulkan na naitala noong Hunyo 1, na umaabot sa 5,831 tonelada bawat araw, na mas mataas kaysa sa nakaraang buwan na mayroon lamang pangkaraniwang 3,356 tonelada bawat araw.

Paalala ng Phivolcs, dapat maging maingat ang mga komunidad na vulnerable sa epekto ng vog, lalo na ang mga nakatatanda, buntis, mga bata, at ang mga may sakit na gaya ng hika, sakit sa baga, at sakit sa puso.

Hinikayat ang mga tao sa mga apektadong lugar na manatili sa loob ng bahay at isara ang mga pinto at bintana upang pigilan ang pagpasok ng vog.

Babala ng Phivolcs na bagaman nananatiling nasa Alert Level 1 ang bulkan ng Taal, “ito ay patuloy pa rin sa hindi normal na kalagayan at hindi dapat ituring na natapos na ang pag aalburuto nito o ang panganib ng pagputok nito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.