Taal Volcano nagbuga ng sulfur dioxide: Publiko pinag-iingat!

0
193

LIPA CITY, Batangas. Muling nagbuga ng sulfur dioxide (SO2) ang Bulkang Taal sa Batangas nitong Huwebes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa kanilang pahayag noong Biyernes ng umaga, iniulat ng Phivolcs na nakapagtala sila ng 4,398 metric tons ng SO2 emission sa loob ng nakalipas na 24 oras, mas mataas kumpara sa 2,921 MT na naitala noong Agosto 26.

Umabot ang ibinugang toxic gas sa taas na 2,400 metro mula sa Taal Volcano Island, na lokal na tinatawag na “Pulo,” bago kumalat sa southeast at north-northeast na direksyon.

Ayon sa pinakabagong update, naobserbahan ng state volcanologists ang “upwelling of hot volcanic fluids” sa main crater lake ng bulkan. Gayunpaman, walang naitalang pagyanig sa observation period at walang volcanic smog o “vog” na nakita sa pinakahuling obserbasyon.

Nananatili pa rin sa alert level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang ito ay nasa low-level volcanic unrest. Sa kabila nito, pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na ang bulkan ay nananatiling nasa “abnormal condition.”

Patuloy na pinag-iingat ang mga residente sa mga lugar na malapit sa bulkan, lalo na at maaaring magbago ang kalagayan nito anumang oras.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo