Taas-pasahe ipatutupad sa Marso 19

0
66

MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pamasahe sa iba’t ibang pampublikong sasakyan kasunod ng pagmahal ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Vigor Mendoza, epektibo ang bagong pasahe simula Huwebes, Marso 19.

Sa mga traditional jeepney, tataas ng P1 ang minimum fare mula P13 hanggang P14, at may dagdag na P0.20 sa bawat susunod na kilometro. Para naman sa modern jeepney, P2 ang itataas sa minimum fare mula P15 hanggang P17, kasama ang dagdag na P0.10 kada kilometro.

Sa airport taxis, aprubado ang P40 na dagdag sa flag-down rate, mula P75 ay magiging P115, habang mananatiling pareho ang singil sa bawat 300 metro at waiting time.

Sa Transport Network Vehicle Services (TNVS), magkakaroon ng P20 increase at P15 na pick-up fare kada kilometro. Dahil dito, ang base fare ay magiging P65 mula P45 para sa sedan, P75 mula P55 sa AUV, P55 mula P35 sa hatchback, at P165 mula P145 sa premium TNVS. Wala namang pagbabago sa per kilometer at per minute rates.

Para sa mga bus sa Metro Manila at city operations, tataas ng P2 ang minimum fare sa ordinary buses mula P13 hanggang P15 para sa unang limang kilometro, at may dagdag na P0.24 kada susunod na kilometro. Sa air-conditioned buses, P3 ang itataas mula P15 hanggang P18 sa unang limang kilometro, at P0.33 kada karagdagang kilometro.

Samantala, sa provincial ordinary buses, may P1 na dagdag sa unang limang kilometro at P0.30 sa bawat susunod na kilometro.

Patuloy namang pinag-aaralan ng LTFRB ang mga petisyon para sa pagtaas ng pasahe sa ordinary taxis at UV Express, na kamakailan lamang naihain.

Ang mga pagtaas sa pamasahe ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang tumataas na gastos sa operasyon ng mga transport operator habang pinapangalagaan ang kapakanan ng mga commuter.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.