Taas-presyo ng de-lata at iba pang bilihin asahan dahil sa mahal na langis

0
673

MAYNILA. Nagbabala ang grupo ng mga may-ari ng supermarket na asahan na ang pagtaas ng presyo ng mga produktong gaya ng mga de-lata at processed foods kasunod ng nakaambang pagtaas sa presyo ng petrolyo ngayong linggo.

Ayon kay Steven Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, ipapasa sa kanila ng mga supplier ang dagdag-gastos sa produksyon at delivery, na kalaunan ay ipapasa rin sa mga mamimili.

“Ipapasa sa amin ng distributor o kung sino man ang nagde-deliver sa amin, at kami naman ay mapipilitang ipasa rin ito sa consumers,” pahayag ni Cua.

Paliwanag pa niya, maaapektuhan ang presyo ng mga manufactured goods dahil sa pagtaas ng distribution cost, na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ang mga supermarket owners ang magtatakda kung magkano ang idadagdag sa kasalukuyang presyo ng mga produkto.

Nakatakdang ipatupad ang big-time oil price hike ngayong Martes, na epekto ng umiigting na tensyon sa Middle East na nakaapekto sa pandaigdigang merkado ng langis.

Kaugnay nito, nakipagpulong noong Lunes ang Department of Energy (DOE) sa 12 oil companies upang talakayin ang mga hakbang para mabawasan ang epekto ng taas-presyo sa publiko. Nakumbinsi ng DOE ang mga kumpanyang ito na utay-utayin ang pagpapatupad ng dagdag-presyo at magsumite ng aktuwal na price adjustment para sa staggered increase.

Dagdag pa ng DOE, handa ang ilang oil companies na palawakin ang kanilang mga promo at diskuwento para sa mga public utility vehicles, partikular ang mga dyip, upang maiwasan ang agarang taas-pasahe.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.