Taas-singil sa kuryente, ipapatupad ngayong Setyembre

0
259

Simula ngayong Setyembre, magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng higit P0.50 kada kilowatt hour (kWh) na taas-singil sa kuryente. Ito ay ayon sa abiso ng Meralco, kung saan magkakaroon ng P0.5006/kWh dagdag sa singil o overall electricity rate na P11.3997/kWh ngayong buwan, kumpara sa dating P10.8991/kWh noong Agosto.

Sa pahayag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, ang dagdag na ito sa singil ay magdudulot ng pagtaas sa buong halaga ng kuryente para sa mga kostumer. Halimbawa, tataas ng P100 ang total bill para sa mga kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, P150 naman para sa mga gumagamit ng 300 kWh, P200 sa 400 kWh, at P250 sa 500 kWh.

Ayon kay Zaldarriaga, ang pagtaas ng power rate ay sanhi ng mas mataas na generation charge. Ito ay bunsod ng paghina ng halaga ng piso laban sa halaga ng dolyar. Dagdag pa niya na kailangang isaalang-alang ng mga kostumer ang pagtitipid sa kuryente upang maabot ang mas mataas na singil.

Matatandaan na noong Hulyo at Agosto, nagpatupad ang Meralco ng tapyas sa singil sa kuryente, ngunit ngayong Setyembre, magkakaroon ng pagtaas.

Ang pagbabago sa singil ay maaaring makaapekto sa mga gastusin ng mga pamilyang umaasa sa kuryente para sa kanilang araw-araw na pangangailangan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo