LUCENA CITY. Itinanghal na over-all champion ang bayan ng Tagkawayan, Quezon sa Niyogyugan Festival 2025 matapos manguna sa iba’t ibang patimpalak ng siyam na araw na pagdiriwang. Bilang gantimpala, nakamit ng Tagkawayan ang ₱10 milyong halaga ng proyekto.
Nakamit ng Atimonan ang 1st runner-up at tatanggap ng ₱7 milyong halaga ng proyekto, habang pumangatlo ang bayan ng Real na makakakuha ng ₱5 milyong halaga ng proyekto.
Sa Agri-Tourism Booth Competition, muling namayagpag ang Tagkawayan bilang kampeon at nasungkit din ang dalawang espesyal na parangal, ang Best Visual Merchandising at Best Tour Package Offerings. Kasama sa mga nagwagi ang Padre Burgos (1st runner-up), Gumaca (2nd runner-up), at Buenavista (3rd runner-up). Samantala, itinanghal naman ang Infanta bilang may Booth with Highest Sales sa pamamagitan ng kanilang tampok na suman sa bata.
Sa makulay na Niyogyugan Float 2025, nakuha ng Atimonan ang grand winner, habang pumangalawa ang Real, kasunod ang Lopez, Gumaca, at Pagbilao.
Sa Sayaw sa Niyog Dance Showdown 2025, itinanghal na kampeon ang Pagbilao na nagkamit ng ₱800,000 na premyo at karagdagang parangal bilang Best in Choreography. Pumangalawa ang Polillo, sumunod ang Atimonan, Calauag, at Infanta. Samantala, nasungkit ng Sariaya ang parangal bilang Best in Costume.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






