MAYNILA. Tiwala si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na magiging maayos at mapayapa ang halalan sa darating na Lunes, Mayo 12, sa kabila ng mga hamon sa kampanya laban sa misinformation at paglabag sa mga patakaran ng pangangampanya.
“Napakataas ng ating paniniwala sa mga kababayan nating botante na sila ay boboto at magiging tahimik ang ating eleksyon,” pahayag ni Garcia sa isang panayam ng Dobol B TV nitong Sabado.
Ayon kay Garcia, inaasahan na magiging mabilis ang takbo ng botohan dahil maayos ang pagkakaayos ng sistema at proseso. Aniya, ito ay makatutulong upang mapabilis ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
Umapela rin ang Comelec chief sa publiko na magtiwala sa proseso ng halalan at huwag magpapaniwala sa mga maling impormasyon na kumakalat online.
“Paniwalaan lang natin ang sistema at proseso at ‘wag paniwalaan ‘yung mga kasinungalingan na nakakalat sa atin ngayon, lalo na ‘yung organized misinformation, disinformation at mga fake news,” giit niya.
Pinayuhan din ni Garcia ang mga lokal na kandidato na tanggalin na ang kanilang mga campaign materials, partikular na ang mga malalaking tarpaulin sa mga pangunahing lansangan, bago pa sumapit ang campaign ban.
“Dapat 12:01am, bawal na ang pagkakalaking campaign materials. ‘Yung mga nakakalat sa mga highway, dapat tinatanggal na. Advise natin sa mga kandidato lalo na ‘yung may malalaking tarpaulin, tanggalin na nila ngayong araw,” paalala ni Garcia.
Dagdag pa niya, “Bukas ng 12:01 am, bawal na ang pangangampanya… Lahat nang klase ng pangangampanya kahit sa social media.”
Binanggit din ng poll chief na patuloy ang operasyon ng Task Force Baklas sa pagtugis sa mga lumalabag sa election rules, kahit pa sa mismong araw ng halalan.
“Kahit araw ng Lunes, puwede kaming mag-file hangga’t hindi sila napoproklama… Kahit naproklama, puwede ang election offense at kasong kriminal,” ayon kay Garcia.
Binigyang-diin din niya ang mas mataas na pananagutan ng mga botante upang mapigilan ang vote-buying, dahil aniya, “walang makakapamili kung walang magbebenta.”
Kabilang umano sa mga anyo ng vote-buying ang pagbibigay ng libreng sakay at libreng pagkain sa mga botante.
Samantala, pinabulaanan ni Garcia ang mga maling ulat online na nagsasabing maaaring manipulahin ang boto kung hindi kumpleto ang balota.
“Hindi totoo ‘yan. ‘Yan ay kasinungalingan. Kahit kulang ang boto, basta ‘wag lang sosobra, puwede ‘yan… Mabibilang at mabibilang ang boto,” mariin niyang binigyang-linaw.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo