Tatlong magkakamag-anak, patay sa aksidente sa motorsiklo

0
456

LAUREL, Batangas. Patay ang tatlong magkakamag-anak sa isang aksidente sa motorsiklo sa loob ng isang eksklusibong subdibisyon noong Martes sa bayang ito.

Kinumpirma ng Laurel Municipal Police Station ang mga nasawi sa aksidente na sina Romeo Caiman, 41 anyos na driver ng nasabing motorsiklo; kasama ang kanyang kapatid na si Ronald Caiman, 35 taong gulang, at ang siyam na taong gulang nitong anak na lalaki.

Batay sa ulat ng pulisya, galing ang tatlo mula sa isang resort at pauwi na Cavite sakay sa kanilang motorsiklo ng maganap ang trahedya.

Ayon sa mga saksi, mabilis ang takbo ng kanilang motor at nakaiwas pa sa mga kasalubong na sasakyan ngunit sa pagdating sa isang kurbada ay hindi kumagat ang preno ng motorsiklo at sila ay bumangga sa konkretong center island.

Sa pahayag ng Laurel Municipal Risk Reduction and Management Office, malubha ang pinsala na tinamo ng mga biktima dahil sa mga tama sa ulo na naging sanhi ng agad nilang pagkamatay sa Dr. Ernesto Malabanan Hospital sa nasabing bayan.

Nananawagan naman ang mga awtoridad sa mga motorista na maging maingat at sundin ang mga batas trapiko upang maiwasan ang mga ganitong trahedya.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.