Tamaraw Month, ipinagdiwang sa Mindoro

0
393

San Jose, Occidental Mindoro.  “Tamaraw at Ako: Dangal ng Pilipino. Ito ang tema ng pagdiriwang ng isang linggong aktibidad para sa buwan ng Tamaraw ngayong 2021. Sinasalamin nito ang pangako sa konserbasyon, sa ngalan ng sangkatauhan sa Tamaraw, isang kakaibang pamana ng mundo. Ang Tamaraw (Bubalus mindorensis) ang pinakamalaking land animal na katutubo sa Pilipinas at nabibilang sa critically endangered species.

Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 273 of 2002, ang buwan ng Oktubre ay idineklarang “Special Month for the Conservation and Protection of the Tamaraw in Mindoro.” 

Ayon sa nabanggit na proklamasyon, ang lahat ng tanggapan at ahensya ng pamahalaan at mga non government organizations (NGO) sa buong isla ng Mindoro ay hinimok na magsagawa ng mga aktibidad na nakatuon sa konserbasyon ng Tamaraw at sa tirahan nito.

Lahat ng NGO, pribadong kompanya o korporasyon, people’s organizations, academic and scientific institutions, at iba pang  interest groups, sa loob at labas ng Mindoro ay inaanyayahan sa taunang selebrasyon ng espesyal na buwan para sa Tamaraw.

Ang DENR sa pangunguna ni CENRO Efren I. Delos Reyes, Tamaraw Conservation Project (TCP) at ng pamahalaang panlalawigan ng Oriental and Occidental Mindoro, sa pakikipagtulungan sa mga partner organizations ay nagsagawa ng isang linggong programa para sa 2021 Tamaraw Month na nagtapos noong Oktubre 27 sa Baba Eco-Ex BioCamp “Akyat Para sa Tamaraw.”

Batay sa report ng DENR para sa taong 2021, humigit kumulang na 600 ang bilang ng tamaraw sa conservation area nito sa mga bundok ng Iglit-Baco National Park.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.