Tangkang disinformation sa imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero, hahabulin ng PNP

0
819

Tutuntunin ng Philippine National Police (PNP) at iimbestigahan ang disinformation sa pagtatangkang linlangin ang patuloy na pagsisiyasat sa kaso ng 31 nawawalang sabungero.

“The apparent attempt to derail the investigation was uncovered in a social media post showing images of PNP SOCO (Scene of the Crime Operations) personnel conducting crime scene investigation on several bodies,” ayon kay Brig. Gen. Roderick Alba, PNP public information office chief.

Ayon sa parehong post na kumakalat sa social media, ang mga bangkay ng mga nawawalang biktima ay natagpuan na sa Tanay, Rizal.

Gayunpaman, pinatunayan sa pagsusuri na ang mga ginamit na larawan ay kuha sa imbestigasyon ng isang kaso ng ambush sa Guindulungan, Maguindanao noong Pebrero 12 kung saan siyam na tao ang namatay at tatlo ang nasaktan.

“The author of this disinformation will himself be investigated for his actions and a possible link to the case of the missing persons,” dagdag pa ni Alba.

Noong Huwebes, binuksan ng Senado ang kanilang imbestigasyon sa tumataas na bilang ng mga nawawalang tao na umano’y sangkot sa sabong at sa online na bersyon nito.

Hiniling ng mga mambabatas sa Philippine Amusement and Gaming Corp. na suspindihin ang mga lisensya ng mga e-sabong operator habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.