Muntik nang hindi matuloy ang biyahe ng mag-asawa matapos umanong makitaan ng isang bala ang kanilang bag sa inspection sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa ulat, sinabi ng misis na si “Charity” na papunta sila ng kaniyang asawa sa Thailand noong Enero nang bigla raw silang tawagin ng mga empleyado sa final security check sa NAIA dahil may nakita umano sa kanilang bag na naka-plastik na isang bala.
“Magkaiba po ‘yung bala at saka sabi ko: ‘Hindi po ako gumagamit ng mga ganiyang bala. Magaganda po ‘yung bala ko’,” ani Charity sa GMA News.
Ayon pa kay Charity, bago pa man ang naturang pagharang sa kanila ay nakaramdam na raw siya ng hindi pangkaraniwang pangyayari sa airport nang mag-withdraw siya ng pera.
“Ang daming nagtatanong, naka-civilian sila. May mga bumabangga sa akin,” aniya.
Samantala, itinanggi naman ng Office for Transportation Security (OTS) na bumalik na ang modus na “tanim-bala” sa airport.
“Tanim-bala is a thing of the past. We can always present all available data, pictures and video para mapasinungalingan namin yung sinasabi nila,” giit ni OTS Officer-in-Charge Jose Briones sa GMA News.
Ayon pa kay Briones, posible umanong sa mag-asawa talaga ang naturang bala dahil gumagamit daw ang mga airport ng automated system para ma-screen ang mga gamit ng mga pasahero.
“Kapag ‘yung bag ay may suspicious item, ‘yung computer, ‘yung machine na mismo ang magse-separate ng bag niya and then that baggage will be subjected for baggage inspection. That’s the only time na hahawakan ‘yan ng baggage inspector natin. Lumalabas sa atin (na sa kaniya), kasi nasa bag niya eh,” aniya.
Pinanindigan naman ni Charity na hindi sa kanila ang balang nakita sa kanilang bag.
“Hindi. Kasi meron po kaming license. At the same time, sinong sira-ulong gun owner ang magdadala sa loob ng airport na naka-plastic pa ‘yung bala? Anong gagawin ko doon?” saad ni Charity.
Sa kabila ng pangyayari, pinayagan naman umanong sumakay ng eroplano at hindi na sinampahan ng kaso ang mag-asawa.
“Hindi, especially kung 1 or 2 pieces lang, kasi marami namang nagdadala niyan. Sa paniniwala ng iba, it is anting-anting. Daily, nakaka-encounter kami ng ganitong incident,” ayon kay Briones.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo