Tanod na may death threat, itinumba sa Rizal

0
112

ANTIPOLO, Rizal. Natagpuang patay ang isang barangay tanod matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang natutulog sa loob ng kanilang Barangay Mobile Patrol sa Antipolo City kamakalawa. Ang biktima, si Jomel Aguanta, ay dati nang nakatanggap ng death threat, ayon sa mga ulat.

Ayon sa mga saksi, ang insidente ay naganap dakong 4:30 ng madaling araw sa tapat ng isang kilalang bakeshop sa Brgy. Sta. Cruz. Naisugod pa si Aguanta sa Antipolo City District Hospital ngunit idineklara ring patay dahil sa mga tama ng bala.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, bago mangyari ang krimen, nagsagawa pa umano ang biktima at ang kanyang mga kasamahang barangay tanod ng clearing operation sa Olalia Road, Brgy. Sta. Cruz dakong alas-3:30 ng madaling araw. Dahil sa pagod at puyat, nagpasya umano si Aguanta na magpahinga sa loob ng Barangay Mobile Patrol.

Sinamantala ng suspek ang pagkakataon nang mahimbing ang biktima, nilapitan ito at malapitang binaril bago naglakad lamang na tumakas. Inilarawan ang suspek na maitim, may kaliitan, nakasuot ng itim na jacket, at may dalang itim na sling bag.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, natukoy na dalawang linggo na ang nakakaraan ay nakatanggap umano ng death threat si Aguanta at inireport niya ito sa Brgy. Sta. Cruz. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng banta at pagpaslang.

Ayon kay Police Lt. Col. Rhoderick Arcinue ng Antipolo City Police, “Ginagawa namin ang lahat ng paraan para matukoy ang salarin at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.