Target ng Comelec na iproklama ang 12 panalong senador sa Mayo 17

0
45

MAYNILA. Posibleng maiproklama na ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 nanalong senador para sa Eleksyon 2025 sa darating na Sabado, Mayo 17, ayon sa pinakahuling pahayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia.

“Baka itong Sabado o Linggo, sana makapag-proklama na tayo ng senador,” ani Garcia sa panayam.

Ayon pa sa Comelec chairman, halos kumpleto na ang mga election returns (ERs) na kailangan upang maisagawa ang proklamasyon. Sa kabila nito, iginiit niyang kailangang maging buo pa rin ang official canvass ng Comelec.

“Mabilis naman eh. Tingnan niyo 98.9% na nga ang nandyan, kapiraso na lang ang kulang. Kahit siguro wala yung kulang basta maipadala sa amin sa national board perhaps baka wala ng effect ang natitirang results. Pero syempre kailangan ang Comelec 100% ang canvass. Walang kahit isa man na COC ang maiiwan pag nag-canvass ang Comelec,” paliwanag pa ni Garcia.

Batay sa pinakahuling datos hanggang tanghali ng Martes, o isang araw matapos ang halalan, nasa 98.99% na ng kabuuang lokal na ERs ang naipadala sa Comelec transparency servers. Katumbas ito ng 92,453 sa kabuuang 93,387 na inaasahang election returns mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Samantala, muling nag-convene ang Comelec bilang National Board of Canvassers (NBOC) nitong Martes ng hapon upang ipagpatuloy ang opisyal na canvassing ng mga boto para sa pagka-senador at party-list groups para sa katatapos na midterm elections.

Sa inaasahang proklamasyon ngayong weekend, mas mapapabilis ang pag-usad ng opisyal na pagtatalaga sa mga bagong miyembro ng Senado na magsisilbi para sa susunod na termino.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.