Target ng DepEd na taasan ang enrollment ng mga mag-aaral na may kapansanan

0
418

Patataasin ng Department of Education (DepEd) ang bilang ng mga mag-aaral na may kapansanan, ang nabanggit na layunin ay inihayag sa isang online webinar kasama ang National Council of Disability Affairs kahapon.

Ito ay alinsunod sa pagdiriwang ng 18th Women with Disability Day, kung saan ay nakiisa ang DepEd sa Department of Labor and Employment, Department of the Interior and Local Government, at iba pang stakeholders sa pagsusulong ng “3E’s to Empowerment” para sa mga babaeng may espesyal na pangangailangan, partikular ang kanilang pantay na partisipasyon sa edukasyon, trabaho, at halalan.

Ang pagdami ng mga enrollees para sa mga mag-aaral na may kapansanan ay isa sa mga pangunahing layunin ng departamento, dahil malubhang bumaba ang bilang nito sa panahon ng pandemya, ayon kay Annalyn Aquino, DepEd Senior Education Program Specialist ng Student Inclusion Division-Bureau of Learning delivery.

Batay sa pinakahuling data, mula sa 152,420 babaeng mag-aaral na naka-enroll sa school year 2019-2020, bumaba ito sa 38,914 enrollees sa school year 2021-2022.

“Ang nakikita nating rason is that learners with disabilities are not being properly tagged in the Learner’s Information System (LIS), especially our learners with disabilities who are in mainstreamed classes,” ayon kay Aquino.

Idinagdag niya na isang serye ng mga oryentasyon ang isinagawa para sa tamang pagtanggap ng mga guro, pinuno ng paaralan, at mga superbisor, upang matugunan ang isyu ng tamang pag-tag sa mga mag-aaral.

Bukod sa pagpapataas ng enrollment ng mga mag-aaral, dinodoble rin ng DepEd ang pagsisikap na madagdagan ang bilang ng mga paaralang may mga programa para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Sa ngayon, 13,408 na paaralan sa bansa ang mayroong Special Education Program (SPED).

“Gusto nating palawakin ‘yung kapasidad ng ating (We want to widen the capacity of our) SPED centers by converting it into an inclusive learning resource centers,” dagda pa ni Aquino.

Layunin din ng DepEd na i-mount ang mga item para sa mga guro ng SPED, gayundin ang pagtatatag ng data indicators kabilang ang completion rate, survival rate, at school leave rate.

Kinilala rin ni Aquino ang mahalagang papel ng pagsasabatas ng RA 11650 o ang Batas na nagtitiyak ng inclusive education para sa mga mag-aaral na may mga kapansanan, na nagsasabi na ito ay may kaugnayang magpapatindi at makatulong na mapabilis ang mga pagsisikap at target ng DepEd para sa mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo