DAVAO CITY — Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Tarragona, Davao Oriental ang state of calamity matapos ang dalawang malalakas na lindol na yumanig sa karagatang sakop ng bayan ng Manay noong Biyernes, Oktubre 10, 2025. Ang mga lindol ay may lakas na magnitude 7.4 at 6.8, na nagdulot ng matinding pinsala at takot sa mga residente.
Ayon sa lokal na pamahalaan, tinatayang 10,000 pamilya ang apektado ng sunod-sunod na pagyanig, at nasa 2,000 katao pa ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center. Marami sa kanila ang nag-aatubiling bumalik sa kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na aftershocks.
Patuloy naman ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga food pack at bottled water sa mga apektadong residente.
Naglaan ang lokal na pamahalaan ng ₱3 milyon mula sa Quick Response Fund para sa mga pang-emerhensiyang hakbang at tulong sa mga naapektuhan.
Ayon kay Mayor Kaka Bulaong, patuloy pa rin ang operasyon ng mga serbisyo ng munisipyo, bagama’t pansamantalang inilipat ito sa mas ligtas na lugar matapos ideklarang code red ang gusali ng munisipyo at mga evacuation center.
“All of the program and services are still ongoing as regular na ginagawa ng kawani kaso off-site kasi ang municipal building naka-code red. Ang evacuation center, as well as the municipal, tagged already as red meaning inhabitable, meaning di na pwedeng pasukan so nasa open space po kami ngayon,” paliwanag ng alkalde.
Dagdag pa ni Bulaong, nakapaghanda na ang LGU ng 16-ektaryang relocation site para sa mga pamilya na nawalan ng tirahan.
“Meron po tayong na-acquire, bago lang po… nasa 16 hectares ang LGU… we focused on land banking… anytime, kung may ibibigay po relating to construction of houses, meron po kaming i-offer… may pag-uusap na po si DHSUD, NHA at LGU,” aniya.
Patuloy ang monitoring at relief operations sa Tarragona habang inaasahan pa ang mga kasunod na aftershocks sa rehiyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





