MAYNILA. Maghanda na ang mga Netflix subscribers sa bansa dahil simula Hunyo 1, 2025, tataas na ang buwanang singil sa serbisyo, kasunod ng pagpapatupad ng 12% value-added tax (VAT) sa digital services mula sa mga dayuhang kumpanya.
Sa abiso na ipinadala sa mga subscribers, ipinaalam ng Netflix na “we will be adding VAT to your membership fees starting June 1, 2025,” at inilatag ang mga bagong presyo ng kanilang mga planong may kalakip nang buwis:
- Mobile: P169 bawat buwan
- Basic: P279 bawat buwan
- Standard: P449 bawat buwan (+ P169 para sa bawat extra member slot)
- Premium: P619 bawat buwan (+ P169 para sa bawat extra member slot, hanggang dalawang slot)
Sa kasalukuyan, mas mababa ang buwanang singil: P149 para sa mobile plan, P249 sa basic, P399 sa standard, at P549 sa premium. Ang dagdag na bayad para sa extra member slots ay P149 bawat isa.
Ang pagtaas sa singil ay bunsod ng Republic Act 12023 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na naglalayong buwisan ng 12% VAT ang mga digital services na kinabibilangan ng media, music, video, video-on-demand, at online advertising.
Inaasahang maaapektuhan nito hindi lamang ang Netflix kundi pati na rin ang iba pang international streaming at digital platforms na may operasyon sa Pilipinas.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo