Tatlo patay sa karumaldumal na krimen dahil sa selos sa Calamba City

0
105

CALAMBA CITY, Laguna. Tatlo ang nasawi, kabilang ang isang senior citizen at ang kanyang kinakasama, sa isang insidente ng karahasan noong Nobyembre 25 sa Barangay Mayapa, Calamba City.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Felix Anay Busion, 64-anyos, residente ng Barangay Mayapa, Vivian, ang kinakasama ni Busion at Dante Cereno Lozano, 51-anyos, caretaker mula sa Camarines Sur.

Ayon sa ulat, natagpuang walang buhay ang tatlo sa magkakaibang bahagi ng isang kubo, may mga sugat sa ulo mula sa matitinding hampas ng isang GI pipe.

Naaresto ang suspek na si Anthony America Bustonera, 41-anyos, construction worker, matapos ang mabilis na operasyon ng pulisya. Narekober din ang improvised GI pipe na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.

Si Sheryl Ann Panes Olaez, live-in partner ng suspek, ay naging pangunahing testigo sa krimen. Ayon sa kanya, nagkaroon ng inuman ang grupo noong gabi ng Nobyembre 24. Bandang ala-1:30 ng madaling araw ng Nobyembre 25, nagising siya at nakita ang suspek na may hawak na GI pipe.

Batay sa imbestigasyon, pinaniniwalaang selos ang nagtulak sa suspek na gawin ang krimen. May mga ulat na kinompronta ng suspek si Lozano bago ang insidente, dahil sa hinalang may kaugnayan ito sa kanyang live-in partner.

Nahaharap si Bustonera sa kasong three counts ng murder at kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba City Police.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.