Tatlong Chinese na nagnakaw sa kapwa pasahero, arestado sa NAIA

0
280

MAYNILA. Arestado ang tatlong Chinese na sangkot sa pagnanakaw habang nasa biyahe patungong Maynila matapos silang harangin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) noong Setyembre 15.

Ayon kay BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado, ang mga suspek na sina Lyu Shuiming, 48; Xu Xianpu, 41; at Xie Xiaoyong, 54, ay inireport sa mga opisyal ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos umanong magnakaw ng handbag sa isang flight ng Philippine Airlines mula Kuala Lumpur.

Sa ulat ng BI, si Lyu ay nahuli sa akto ng isang flight attendant habang ninanakaw ang handbag ng isang babaeng huwes na naglalaman ng humigit-kumulang ₱63,000. Ang hukom ay naglalakbay kasama ang dalawang abogado.

Ayon sa mga saksi, binuksan ni Lyu ang overhead stowage bin ng eroplano at kinuha ang bag ng lady judge. Naaktuhan umano siya ng mga flight attendant habang hinahalungkat ang personal na gamit ng hukom at kinuha ang mga mahahalagang bagay sa loob ng bag.

Bagamat may valid visa si Lyu para makapasok sa Pilipinas, agad siyang inaresto ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP). Samantala, sina Xu at Xie ay nakasakay sa isang outbound flight palabas ng bansa. Ang tatlong suspek ay inirekomenda ng BI na maisama sa kanilang blacklist.

“Patuloy kaming makikipagtulungan sa mga airline at airport security upang mabantayan ang mga galaw ng mga dayuhang posibleng miyembro ng nasabing gang,” ani Viado.

Pinuri rin ni Viado ang mabilis na aksyon ng airline staff at PNP AVSEGROUP sa insidente. “We will not allow these kinds of foreigners to victimize our kababayan,” pahayag niya.

Dagdag pa niya, “The BI will continue to monitor the progress of this case, and blacklist any other members that might be found.”

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.