Sta. Cruz, Laguna. Nasakote ang tatlong Most Wanted sa Laguna kahapon, ayon sa report ni Laguna Police Acting Provincial Director PCOL Rogarth B. Campo kay PRO CALABARZON Regional Director PBGEN Eliseo De La Cruz.
Sa Bay, Laguna, inaresto ng mga miyembro ng Bay Municipal Station na nasa pangangasiwa ni PMAJ Jameson E Aguilar si Joseph Villegas, 44 anyos, binata at naninirahan sa Sta Cruz, Laguna, sa kasong 3 counts ng rape.
Sa Cavinti, Laguna na pinamumunuan ni Acting Chief of Police PLT Sergio A. Amba, Jr., inaresto si Liborio Juanillo, 72 anyos, isang magsasaka na residente ng Brgy. Poblacion, Cavinti, Laguna, sa kasong Lascivious Conduct Under Sec. 5 (b) of R.A. 7610.
Nadakip din sa Siniloan, Laguna ng mga tauhan ni PMAJ Silver S. Cabanillas si Ronel Surbano, 42 anyos na magsasaka na residente ng Brgy. Perez, Calauan, Laguna, sa kasong murder.
Ang mga inarestong most wanted ay pansamantalang nakapiit sa mga nakasasakop na police station habang inaabisuhan ang mga korte kung saan ay nakasampa ang mga kaso laban sa kanila.
Kaugnay nito, pinuri ni Campo ang mga miyembro ng Bay MPS, Cavinti MPS, at Siniloan MPS sa kanilang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong most wanted sa Laguna.
“Ang operasyong ito ay patunay na hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga taong may pananagutan sa batas, at para mabigyan ng hustisya ang mga biktima,” ayon kay PCOL Campo.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.