Mulanay, Quezon. Binabagabag ng sunud-sunod na banta ng bomba ang tatlong paaralan, na nagresulta sa pansamantalang pagkansela ng mga klase, sa bayan na ito kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat, ang mga paaralang nakatanggap ng banta ng pampasabog ay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) Mulanay Campus, Bondoc Peninsula Agricultural High School, at Mulanay Central School.
Ayon sa ulat ni Maj. Marlon Comia, hepe ng Mulanay Police Station, isang “Ka Tonyo” ang nag-post ng mensahe sa wikang Bisaya sa Facebook page ng student government ng PUP Mulanay, na nagsasabing may nakatanim na mga bomba sa mga paaralan.
Agad na tumugon ang mga awtoridad at nagsagawa ng pagsisiyasat sa lahat ng bahagi ng mga paaralan, ngunit walang bombang natagpuan.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang Mulanay Police sa PNP-Anti Cybercrime Group upang matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ni Ka Tonyo.
Samantala, sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page ng lungsod, ipinag-utos ni Mulanay Mayor Aris Aguirre ang pagkansela ng mga klase sa Sta. Rosa Elementary School, Mulanay Central Elementary School, Bondoc Peninsula Agricultural High School, at PUP-Mulanay kahapon.
Ipinag utos din ng alkalde kay Major Comia na magpatupad ng mahigpit na seguridad sa loob at labas ng nabanggit na mga paaralan.
Sinabi ng alkalde na kahit negative ang resulta ng pagsusuri sa bomba sa mga nabanggit na paaralan, humiling pa rin siya ng tulong mula sa PNP Explosive Ordnance Disposal Unit upang tiyaking ligtas ang mga nasabing lugar at mga mag-aaral.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.