TALISAY, Batangas — Tatlong pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo ng umaga, Oktubre 26.
Ayon sa Phivolcs, isang banayad na phreatic eruption ang unang nangyari dakong 2:55 a.m., sinundan ng dalawang phreatomagmatic eruptions bandang 8:13 a.m. at 8:20 a.m.
Nagbuga ang mga pagputok ng abo at singaw na umabot sa pagitan ng 1,200 hanggang 2,100 metro taas mula sa bunganga ng bulkan.
Bunsod nito, nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal. Ibig sabihin, may kumikilos na hydrothermal o tectonic activity sa ilalim ng bulkan at maaaring magkaroon ng biglaang pagsabog ng singaw, gas, o mainit na tubig kahit walang babala.
Noong Sabado, Oktubre 25, nakapagtala rin ang Phivolcs ng banayad na phreatomagmatic eruption sa pangunahing bunganga ng Taal.
Patuloy ang paalala ng Phivolcs sa publiko na iwasan ang pagpasok sa Permanent Danger Zone sa paligid ng bulkan.

𝗚𝘂𝗺𝗮𝗴𝗮𝗺𝗶𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗗𝗢𝗦𝗧-𝗣𝗛𝗜𝗩𝗢𝗟𝗖𝗦 𝗻𝗴 Ash3D, isang ash dispersion model, upang gabayán ang mga volcanologist at lokal na pamahalaan sa pagsubaybay sa ashfall na dulot ng pagputok ng bulkan.
Sa pamamagitan ng mga mapa ng kapal at distribusyon ng abo, gayundin ng dispersal (pagkalat) at taas ng ulap, natutukoy at nabeberipika ng mga eksperto ang mga lugar na apektado o posibleng maapektuhan ng ashfall.
Manatiling nakaantabay sa mga susunod na pangyayari at balita.
👉 Tingnan ang link para sa karagdagang detalye.
https://www.facebook.com/share/v/1FaKQNoEhk
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






