Tatlong pulis na idinawit sa pagdukot kay Jonjon Lasco sa San Pablo City, nilagay na sa restrictive custody

0
994

Isinailalim na sa restrictive custody ang tatlong pulis na nadawit sa diumano ay pagkawala ng isang e-sabong (online cockfighting) “master agent” sa San Pablo City, Laguna, ayon sa Philippine National Police (PNP) kanina.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang mga pulis na ito ay nasa restrictive custody na ngayon sa headquarters ng Police Regional Office (PRO)-4A (Calabarzon) at nakatakdang kasuhan sa mga susunod na araw.

“Sa ngayon, tatlo yung mga nabanggit during the Senate hearing plus yung mga nauna na natin mga nakuhang statement prior dito sa Senate hearing, may iba pa po tayong iniimbestigahan. Sila sa ngayon ang may positive identification based dito sa nawawalang master agent at yung iba pa po nating iniimbestigahang mga pulis ay kasama yan kung tatanungin natin yung ating mga imbestigador dahil nga may mga ilan pa tayong hinihintay na report para to confirm their participation doon sa nasabi nating insidente,” ayon kay Fajardo.

Sinabi rin ni Fajardo na naka-relieve na ang police provincial director ng Laguna na si Col. Rogart Campo matapos umanong makatanggap ng PHP1 milyon mula sa negosyanteng si Atong Ang na isiniwalat sa pagdinig ng Senado.

Inakusahan ni Ang si Campo na nakibahagi sa umano’y sabwatan laban sa kanya ng iba pang stakeholder ng e-sabong.

Hindi bababa sa dalawang opisyal ng pulisya kabilang si Pat. Roy Navarete at Staff Sgt. Daryl Paghangaan, na kinilala ng ilang kaanak ng e-sabong “master agent” na si Ricardo Lasco na kabilang sa mga dumukot sa kanya noong Agosto ng nakaraang taon.

Bago ang pagdinig ng Senado sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero, sinabi ni Fajardo na na-relieve na ang mga pulis sa kanilang mga puwesto dahil sa pagkakasangkot sa kanila sa mga insidente.

Bukod kay Navarete at Paghangaan, kinilala rin ng PRO-4A si master Sgt. Michael Claveria bilang isa sa mga sangkot na pulis.

Sinabi ni PRO-4A chief PBGEN Antonio Yarra na iniutos na niya ang pagtatanggal sa tungkulin sa tatlong tauhan ng pulisya at inilipat sila sa headquarters ng regional office ng PNP sa Calamba, Laguna.

“Sisiguraduhin namin na ang lahat ng katotohanan at impormasyon tungkol sa bagay na ito ay isasaalang-alang para sa mabilis na paglutas ng mga kasong ito at upang mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng mga nawawalang biktima,” ayon sa kanya.

Sa kanyang bahagi, sinabi ni PNP Public Information Office (PIO) chief Brig. Gen. Roderick Alba na hindi babalewalain ng PNP ang mga account ng mga testigo ngunit sisiguraduhin nitong mapapatibay ang due process sa kasong ito.

Samantala, pinaalalahanan ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos ang mga tauhan ng pulisya na iwasang makisali sa e-sabong at iba pang aktibidad sa pagsusugal.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.