MAYNILA — Patuloy na lumilitaw ang mga bagong detalye sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa brutal na pagpatay sa isang policewoman at sa kanyang walong taong gulang na anak, matapos arestuhin ang tatlong suspek sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek bilang sina Pia Katrina Panganiban, 29, isang car dealer; ang kanyang asawa na si Christian Suarez Panganiban, 44, isang dismissed police officer; at ang kanilang driver na si Gil Valdemoro Dy Jr., 41. Ayon sa PNP, naaresto ang tatlo sa pinagsanib na operasyon ng Quezon City Police District at iba pang yunit ng pulisya noong gabi ng Enero 30.
Ayon sa PNP, dalawa sa mga suspek ay isang magkasintahan na pinaniniwalaang nagplano na patayin si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, 38 taong gulang, upang makuha ang kanyang sasakyan na isang multi-purpose vehicle (MPV). Lumalabas sa imbestigasyon na ang magkasintahan ay nagpakilalang ahente sa bentahan ng naturang sasakyan.
Batay sa ulat, inanyayahan ng mga suspek si Mollenido sa kanilang tahanan sa Novaliches noong Enero 16.
Nang salakayin ng mga awtoridad ang nasabing bahay noong Biyernes ng gabi, natagpuan umano ang 29-anyos na babaeng suspek na nakaupo sa sofa kung saan binaril sa ulo nang malapitan ang policewoman.
Dagdag pa ng mga source, bago ang pamamaril ay tinakpan umano ng mga suspek ng plastik ang sofa upang takpan ang kanilang krimen. Matapos patayin ang policewoman, hinarap naman ng mga suspek ang walong taong gulang na anak na si John Ysmael, na diumano ay sinakal gamit ang isang plastik na supot.
Isinagawa ang krimen habang nasa katabing silid lamang ang sanggol na anak ng magkasintahan.
Ayon sa imbestigasyon, isinakay ang mga bangkay ng mag-ina sa isang sport utility vehicle (SUV) at itinapon ng isang kasabwat sa magkahiwalay na lugar sa Pulilan, Bulacan at Victoria, Tarlac.
Natagpuan ang katawan ni Mollenido noong Enero 24 sa isang sapa sa Pulilan, na may tama ng bala sa ulo. Samantala, noong Enero 29, narekober ang bangkay ng bata sa isang taniman ng kalamansi sa Victoria, Tarlac. Positibong kinilala ang bangkay ng ama ng bata na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang buong detalye ng krimen at ang posibleng pananagutan ng lahat ng sangkot.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






