Taumbayan ba ang dapat paghigpitan o ang mga lingkod-bayan?

0
477

Dapat maghigpit ng sinturon ang mga mahihirap. Kung kailangang higpitan ang sinturon, nanaisin at talaga namang gagawing gumastos nang kaunti kaysa dati dahil sa mas kaunti ang hawak na pera kaysa dati. Walang kwestiyon ang naturang kawikaan (idiom) sa mga mahihirap. “Ginagawa namin iyan, pero wala na rin kaming titipirin,” sabi pa nga ng mga hikahos. Papasok nang walang baon ang mga anak. Paglalakarin sila, hindi pasasakayin. Doon naman sa mga “may ititipid pa”, sa singkwenta pesos (P50) na baon ay kasama na ang pagkain at pamasahe na kalimitan ay nasa P20 balikan, basta sasabihin lang sa dyip, “Bayad po, estudyante.”

Heto ang masakit: Kaduda-duda ang pamahalaan, maging ang pribadong sektor sa pangkalahatan, kung may paghihigpit ngang nagaganap.

Posibleng pumalo sa P15.8 trilyon sa katapusan ng 2024 ang utang ng Pilipinas, kaya kung meron mang sarap-buhay, sana’y mga mahihirap na rin. Sabi ni Senador Ronald dela Rosa: “Don’t panic, mga Pilipino. Utang lang ‘yan.” Isa siya sa nagpapakasarap-buhay at minsa’y ibiniro na niya iyon. (Xave Gregorio ng CNN Philippines, 2020: ‘Mahirap na ang buhay:’ Senators tell Dela Rosa to attend session physically) 

“Madali po sigurong sabihing ‘wag tayong mag-aalala… Kung pakikinggan po natin ‘yung iba’t ibang (sektor), nasa krisis po sila… Hindi pa rin nila naranasan na magmura na ang pagkain, ni pamasahe, ni ‘yung kita ng mga jeepney driver natin… Hindi pa nila pakiramdam na protektado sila.” Ito naman ang patutsada ni Senadora Risa Hontiveros.

Tumaas ng 1,453% noong 2022 ang gastusin ng Tanggapan ng Pangulo sa pagbibyahe sa labas ng bansa, ayon sa Commission on Audit (COA). Tumataginting na P392 milyon iyon, mula sa nagdaang taon na P25 milyon.

Kung lalahatin, sa halip na patungkulan lamang ang tinutumbok na progresibong pagbubuwis, magandang pakinggan nang husto ni Senador Bato ang punto ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na siya ring National Economic and Development Authority (NEDA) Director-General. Para kasi sa matagal nang ekonomista sa pribadong sektor, lalo sa pampublikong sektor, at propesor na si Sec. Balisacan, ang pamahalaan daw ay dapat pagsumikapan ang pagpapabuti ng access sa mga pangunahing serbisyo na may mga tamang programang nakalatag (basa: nakaplano).

Aniya: “Income inequality in the country is quite high, and even more disturbing is the inequality in economic opportunities. I think we should be looking at that more closely.”

Hindi naman kailangang mangutang nang todo-todo kung babawasan lang ang korapsyon. Pati ba naman ang pinauusong confidential funds sa mga tanggapang hindi naman natural na binibigyan ng ganoong pondo sa kasaysayan ng badyet ng pamahalan, kasama rin sa depensa ni Senador Bato. Kaya sino ang hindi mag-aalala?

Minsan nadadaan din sa postura sa senado kung may laman ang sinasabi ng mga pagdinig, pero bakit patawa-tawa ang katulad niyang senador sa harap ng economic managers? May nakakatawa ba sa lumolobong utang pero patuloy na napupunta sa pangungurakot? Kung walang kurakot, bakit pa sasabihin ng mga ekonomista, hindi lang si Secretary Balisacan, na madaliin natin ang pagbibigay ng serbisyong panlipunan, pero talagang hirap na hirap makuha ang mga ito sa iba’t ibang panig ng mga mahihirap na komunidad.

Isa pang dagdag-punto rito: Huwag nawang utangin ng pamahalaan ang perang galing sa disadvantaged loans, kabilang ang mga galing sa Tsina. Teka. Ano ang napatunayang pagpabor ni Senador Bato (maging ng dati niyang amo) sa totoong pagsuporta sa mga usapin ng tanggulang pambansa na kinasasangkutan ng Tsina? Hindi ba’t matapang siya sa lahat (“patayin” ang mga klase ng taong… ewan, kasi siya naman ang nagbibigay ng klasipikasyon) pero masyado naman siyang tikom ang bibig sa lantarang sunod-sunod na pambu-bully ng Chinese government. (Paalala ng mga kasama ko sa international studies: Gobyerno ni Xi Jinping, hindi ang bansa nila at ang mga mamamayan nila ang dapat nating kinokondena.)

“When I say inequality, it is inequality in access to health, access to education, access to livelihood, access to housing programs. We must improve the access to basic services.” Dapat sa pahayag na iyan ni Balisacan, eksperto sa ekonomiya at hindi mapanghusga sa pulitika ng mga nakaluklok sa iba’t ibang administrasyon ng mga pangulo, tayo tumutok.

Bagay yata, sa halip na paghihigpit ng sinturon ang ituro, matutong mamaluktot sa maiksing kumot ang mga “bato” (basa: batugan).

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.