TD Julian, nagbabanta: Signal No. 1 itinaas sa Cagayan, Apayao, at Isabela

0
204

MAYNILA. Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa tatlong lugar ngayong Sabado habang binabaybay ng Tropical Depression Julian ang Philippine Sea, ayon sa 5 a.m. bulletin ng PAGASA.

Sakop ng TCWS No. 1 ang mga sumusunod na lugar:

  • Cagayan, kasama ang Babuyan Islands;
  • Hilagang-silangang bahagi ng Isabela (San Pablo, Divilacan, Maconacon, Palanan, Cabagan, Santa Maria, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas, Delfin Albano); at
  • Silangang bahagi ng Apayao (Luna, Pudtol, Santa Marcela, Flora).

Patuloy na nananatili ang lakas ni Julian habang kumikilos patungong timog sa Philippine Sea. Tinatayang nasa 400 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan ang sentro ng mata ng bagyo, taglay ang maximum sustained winds na 55 kilometers per hour malapit sa gitna at bugso ng hangin na umaabot sa 70 kph.

Ayon sa PAGASA, kumikilos si Julian patungong timog sa bilis na 10 kph at inaasahang maglalakbay sa loop pattern sa mga katubigan silangan ng Batanes at Cagayan sa loob ng susunod na limang araw. “Julian is forecast to follow a looping path over the waters east of Batanes and Cagayan in the next five days,” saad ng PAGASA.

Posibleng mag-landfall si Julian sa Batanes sa Lunes ng hapon o gabi.

Nagbigay ng babala ang PAGASA sa mga mangingisda at maliliit na bangka na umiwas munang pumalaot sa mga karagatang sakop ng Batanes, Babuyan Islands, at silangang bahagi ng mainland Cagayan dahil sa inaasahang malalakas na alon. “Mariners of small seacrafts, including all types of motorbancas, are advised not to venture out to sea under these conditions, especially if inexperienced or operating ill-equipped vessels,” paalala ng ahensya.

Dagdag pa ng PAGASA, malaki ang posibilidad na maglabas sila ng Gale Warning sa mga baybaying dagat ng Hilagang Luzon. “The hoisting of a Gale Warning is also increasingly likely over seaboards of Northern Luzon,” dagdag ng weather bureau.

Ang pagsikat ng araw ay naitala kaninang alas-5:46 ng umaga, at lulubog ito ng alas-5:48 ng hapon.

Patuloy ang PAGASA sa pagbibigay ng update habang bantay-sarado ang galaw ni Julian sa mga susunod na araw.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.