Teacher Rubilyn bilang DepEd Secretary? Itanong mo sa mga bata

0
597

“Mga kababayan, ang aking pagbibitiw ay hindi lulan ng kahinaan, kundi dala ng tunay na malasakit para sa ating mga guro at kabataang Pilipino,” sabi ni Sara Duterte na kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon. (Kasabay niyang binitawan ang pagiging pangalawang tagapangulo ng isang anti-insurgency body na NTF-ELCAC.) Isa na “lang” na Bise Presidente ang pinakamatandang anak na babae ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Ang dahilan ng pagkalas sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.? Hindi binanggit ni VP Sara nang pasulat, pasalita, at hindi rin siya nagpaurirat sa mga bumubuntot na kagawad ng media (hanggang sa sinusulat ang kolum na ito).

Masarap pakinggan ang mga katagang tunay na malasakit at walang kahinaan. Masarap kung wala tayong nalalamang kabalbalan sa ilalim ng kanyang malupit na kamao, este mapagmasid na mata.

Mahaba-haba pa ito kaya tanggapin na lang natin ang pagkalas niya sa gabinete na epektibo matapos ang isang buwan, Hulyo 19. Nakikiayon ako sa napakasimpleng pagpapasalamat ng communications chief sa Palasyo ng Malacañan na si PCO Secretary Cheloy Garafil: “We thank her for her service.” (It is not like, “We thank her for her … <insert adjectives> service.)

Para naman sa mga nag-aantabay kung ano ang dahilan, naku po eh huwag na. Pagbigyan na natin si VP Sara. Mahaba-haba rin ang litanya niya bago niya inanunsyo ang pagbibitiw. Pagkasyahin na lang natin ang pag-uusisa sa mga nabanggit niyang mga nagawa sa sektor ng edukasyon at kung anupamang naibida niya sa pulong balitaan kamakalawa. Huwag ka, ang mga tao nama’y punong puno ng dahilan sa paghingi ng isang bagay na naibigay naman na niya – ang resignation. Kaya doon na rin umiikot ang tunay na dahilan nito, diba? Isa pa, ang sinumang nasa gabinete ng sinumang nakaupong pangulo, sang-ayon sa nakagawian at sinusuportahan ng mga desisyon ng korte, maging ng Civil Service Commission, ay nagsisilibi o “serving at the pleasure of the president,” na may kapangyarihang magtalaga sa naturang kasapi ng kanyang gabinete at magtanggal na rin. (Idagdag lang nating ang VP bilang kasapi ng gabinete ay hindi na nangangailangan ng confirmation kasi iyon ang sabi ng Saligang Batas.)

Tunguhin natin yung nabanggit na umano’y malasakit sa kabataang Pilipino.

Mahalagang malaman ng taumbayan, kabilang ang mga pangkat ng kabataang mulat (marami-raming representasyon, grupo, halal at di-halal na party-lists yan) na malaman kung sino ang susunod na itatalagang bagong kalihim ng DepEd. Pagbigyan silang busisiin ang track record nito sa paglilingkod sa edukasyon at mga kahanay na larangan at pagkatapos nito’y mapakinggan sila sa kanilang mungkahi, pagsang-ayon o di-pagsang-ayon sa napipintong pagtatalaga. Bakit dapat pakinggan ang mga bata? At bakit naman hindi?

Sila yung ipit sa sitwasyon, mapayapa man ang Pinklawan, Dilawan, DDS, Marcos Loyalists, o kung may breakup bang maituturing sa pagitan ng makakapangyarihang pamilya o ang palabas sa nakaraang kampanyang pang-eleksyon na Uniteam. Sila yung may baon o wala, kailangang pumasok sa eskwela. Sila yung may laman ang sikmura o wala, magbabasa at makikinig sa guro. Hindi nila batid ang pinagdadaanan ng guro, pero sapat na ring makita ang mga kabataang mag-aaral na nagsusumikap para maitaguyod ang sarili sa pangagalap ng kaalaman at paggamit ng karunungan.

Ang iba sa kanila’y aral-trabaho mula sa kamusmusan hanggang mag-teenager. Halos walang choice kundi tumulong na agad sa mga magulang o kaya’y sa guardians nila.

Itanong mo sa mga bata. Marami silang masasabi sa katungkulan ng DepEd Secretary. Sabi ng marami – oo, marami yan sa social media posts – inino-nominate nila si Teacher Rubilyn! Malalim ang imahinasyon ng mga aktibo sa social media. Pasasaan ba’t may mapi-pick up din silang isa o dalawang tama sa isang libo’t isang tuwa makapag-memes lang ang mga tao, mag-trending, makilala sa katinuan o kalokohan.

Napag-uusapan na rin lang si Teacher Rubilyn, kung mano-nominate siya, makikilala na rin natin siya sa wakas. Mababawasan na ang mga misteryong nababalot sa buhay ng isang suspendidong Mayor Alice Guo na, mabuti na lamang, alam pa rin niya ang pangalan niya sa dami ng mga nalilimutan niya kapag natatanong.

Produkto ni Teacher Rubilyn ang alkalde ng Bamban. Naging Mayor din si DepEd Secretary Sara. So quits na! O baka malagpasan pa niya sa achievements ang papaalis na kalihim. O baka mas matipid pa siya dahil hinding mangangailangan ng confidential funds.

Seryoso na tayo. Hindi biro ang kinahaharap nating krisis sa edukasyon. Sa halip na “tawanan mo ang iyong problema” (ni Freddie Aguilar), “Itanong Mo Sa Mga Bata” ang peg o panawagan noon at ngayon (ng Pinoy folk rock band na Asin). Ang kabuuan ng awitin (1978):

Ikaw ba’y nalulungkot / Ikaw ba’y nag-iisa / Walang kaibigan / Walang kasama / Ikaw ba’y nalilito / Pag-iisip mo’y nagugulo / Sa buhay ng tao / Sa takbo ng buhay mo / Ikaw ba’y isang mayaman / O ika’y isang mahirap lang / Sino sa inyong dalawa / Ang mas nahihirapan

Masdan mo ang mga bata / Masdan mo ang mga bata / Ikaw ba’y walang nakikita / Sa takbo ng buhay nila / Masdan mo ang mga bata / Ang buhay ay hawak nila / Masdan mo ang mga bata / Ang sagot ay ‘yong makikita

Ikaw ba’y ang taong / Walang pakialam sa mundo / Ngunit ang katotohanan / Ikaw ma’y naguguluhan / Tayo ay naglalakbay / Habol natin ang buhay / Ngunit ang maging bata ba’y tulay / Tungo sa hanap nating buhay / Masdan mo ang mga bata / Ang aral sa kanila makukuha / Ano nga ba ang gagawin / Sa buhay na hindi naman sa atin

Itanong mo sa mga bata / Itanong mo sa mga bata / Ano ang kanilang nakikita / Sa buhay na hawak nila / Masdan mo ang mga bata / Sila ang tunay na pinagpala / Kaya dapat nating pahalagahan / Dapat din kayang kainggitan

Masdan mo ang mga bata / Masdan mo ang mga bata / Ikaw ba’y walang nakikita / Sa takbo ng buhay nila / Masdan mo ang mga bata / Ang buhay ay hawak nila / Masdan mo ang mga bata / Ang sagot ay ‘yong makikita.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.