Team Amante, umarangkada na

0
1059

San Pablo City, Laguna. Inihudyat ang simula ng 45 araw ng kampanya at proklamasyon ni Laguna 3rd District Congressional candidate Amben Amante na dinaluhan kahapon ng kandidatong mayor na si Vic Amante at mga panlabang board member at mga konsehal, media at mga supporters, sa isang programang idinaos sa San Pablo City Shopping Mall.

Sa ginanap na rally ipinakita ng mga supporters ni Amante ang kanilang pasasalamat sa 9 na taong panunungkulan bilang alkalde ng nabanggit na lungsod sa pamamagitan ng mga banners at mensahe na nagsasaad ng mga tulong at programang pinakikinabangan ng mga San Pablenos.

Matapos ang dalawang oras na caravan, inihayag ni Amante sa isang mini-conference ang kanyang plataporma na ipatutupad sa anim na bayan na nasasakupan ng ikatlong distrito ng Laguna kung magwawagi sa halalan sa Mayo 9.

Ayon sa kanya, pangunahing sa kanyang mga programa ang kalusugan at ekonomiya ng mga mamamayan ng nabanggit na distrito. “Mahalaga po na maging alerto tayo at handa kung sakaling muling magkaroon ng resurgence ang Covid-19. Magagawa po ito sa pagkakaroon ng malakas na team ng health workers sa bawat bayan at pagkakaroon ng mga Covid-19 testing laboratories para sa lahat. Dagdag po dito, kailangan natin ng mahusay na Covid-19 surge planning and management. Ito po ay matagumpay ng naisagawa sa San Pablo City at makakayang isagawa sa buong distrito kung kakailanganin,” ayon sa mensahe ni Amante.

Binigyang diin din ng alkalde ang pagbubukas ng mga pautang at gawad na sinusuportahan ng gobyerno para sa maliliit na negosyong nangangailangan ng tulong pinansyal sa gitna ng pandemya. “Pagsisikapan po natin na makapagbihay ng government-backed loans para sa mga Small and Mid-Size na mga negosyo upang hindi na sila umutang sa mga higanteng lending institution na may malaking interest na nagpapabigat sa kanila sa muling pagbangon mula sa krisis na dulot ng pandemya,” dagdag pa ni Amante.

  Kabilang din sa binanggit niyang programa ang pagtataguyod na de kalidad edukasyon at pagpapalakas ng turismo. Tinuran niya ang  ang pagkakaloob ng libreng tuition sa lahat ng mga honor students sa buong 3rd district na ngayon ay nag aaral sa Dalubhasaang Lungsod ng San Pablo. “Ang edukasyon, higit sa lahat ay para sa mahihirap sapagkat ito ang susi para sa maunlad na kinabuksan,” ayon sa kanya.

Ipinahayag din ni Amante na ang epektibong pakikipag ugnayan sa Department of Tourism ay magbibigay ng kaalaman at suporta sa lahat ng LGU sa nabanggit na distrito ukol sa pagpapalakas ng industriya ng turismo na aakit sa domestic at international tourists. “Napakaganda mo ng ating distrito at ang kailangan lamang ay pagyamanin natin ang mga likas na yamang ito upang maging ganap na mga tourist destinations na makakalikha ng mas maraming pagkakataon sa negosyo at trabaho,’ ang pagtatapos ni Amante.

Binanggit din niya ang kapakanan ng senior citizens, agricultural modernization at pagpapalakas ng oportunidad sa trabaho bilang tampok sa kanyang mga programa.

Ang San Pablo City ay tumanggap ng mga pagkilala mula sa Department of Health at sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna dahil sa epektibong pagtugon sa mga hamon ng Covid-19 partikular sa mga programa sa mass vaccination kabilang ang LGU Best Practices at Agap Ulat Awards.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.